Home OPINION PRESYO NG BIGAS, SUKATAN SA GOBYERNO

PRESYO NG BIGAS, SUKATAN SA GOBYERNO

KUNG may ikinokonsidera mang pinakamahahalagang sukatan ng serbisyo ng gobyerno sa mamamayan, isa na rito ang presyo at suplay ng bigas.

Kapag kulang ang suplay at mataas ang presyo ng bigas, patay kang gobyerno ka.

Kung sobra ang bigas at mababa ang presyo, labs ka ng mga tao.

Pero kung may dagdag-bawas sa suplay at presyo, may dalang kaba sa tao at patay pa rin ang gobyerno dahil sa pagdududa kung kaya nitong solusyunan o hindi ang problem.

Kung bakit naman kasi ipinangako ang masagana at murang bigas noong nakaraang halalan.

Pagkatapos, walang nakatitiyak ngayon kung makakamit ito o hindi hanggang darating ang susunod na halalang presidensyal.

MISTERYO AT LARO

Tila balot ng misteryo o kaya’y nilalaro ang problema sa bigas na ikinahihirap ng higit na nakararaming Pinoy.

Isa sa mga hindi madaling maintindihan ang laro ng 20 porsyentong imported na bigas at 80 porsyentong lokal na bumubuo ng 100 porsyentong pangangailangan ng Pinas.

Sa normal na kalagayan, ang 80% dapat ang magdikta sa mga pangyayari.

‘Yun bang === dapat mababa ang presyo ng bigas at susunod lang dito presyo ng imported.

Ngunit lumalabas na ang 20 porsyentong suplay ang humahatak pataas ng presyo ng bigas at hindi ang higit na malaking bulto ng lokal na suplay o produkto ng mga magsasakang Pinoy.

Ngayon, nais ng gobyerno na bawasan ang pangkalahatang presyo sa pamamagitan ng pagpapababa ng buwis ng mga imported na bigas.

Mula umano sa 40% taripa o buwis sa imported sa loob ng kota ng importasyon at 50% kung nasa labas ng kota.

Kapag ibinaba ang taripa sa 35% hanggang 20%, maaaring magmumura umano ang bigas mula sa Setyembre hanggang Disyembre 2024.

Kitam?

KONTROLADO NG RICE CARTEL

Milyon-milyon ang mga magsasakang Pinoy na nagtatanim at nag-aani ng palay at sila ang naghahatid ng 80% ng bigas sa ating mga hapagkainan at mangilan-ngilang indibidwal o kompanya ang may hawak ng 20% imported.

Pero bakit lumalabas na ang iilang tao o kompanya ang nagdidikta ng presyo?

Pero talaga bang 20% lang ang nasa kamay ng mga importer?

Hindi kaya bahagi sila ng iilan ding malalaking rice trader na kumokopo sa higit na malaking porsyento ng produksyong Pinoy at mga importer din?

Batay ito sa katotohanang kokonti lang naman ang binibili ng National Food Authority na palay at bigas ng mga magsasakang Pinoy.

Kung ganito ang katotohanan, mga Bro, malinaw na nilalaro lang ng iilan na tinatawag na rice cartel ang presyo at suplay ng bigas.

At silang rice artel na nagdidikta ng suplay at presyo ang tunay na dahilan ng mahal na bigas, kahit hindi nauubusan ng suplay sa mga palengke.

GOBYERNO BUNGAL AT TAKOT SA CARTEL?

Matagal nang naghahari ang mga rice cartel sa Pilipinas at hanggang ngayon, parang bungal at takot ang gobyerno laban sa mga ito.

Ano mayroon ang mga rice cartel at hindi mabuwag-buwag ng gobyerno hanggang ngayon?

Kahit malinaw na sila ang dahilan ng malawakan at tila wala nang katapusang gutom at paghihirap ng milyon-milyong mamamayan, kasama ang mga magsasakang naging magsasako na lang sa bawat anihan!