Home METRO Pasahero tumalon sa barko sa Mindoro

Pasahero tumalon sa barko sa Mindoro

MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine Ports Authority (PPA) na isang pasahero ang tumalon mula sa sasakyang pandagat ng Montenegro Santa Brigida.

Ayon sa PPA, ilang metro pa lamang ang layo nang makaalis mula sa Calapan Port ang barko nitong Biyernes, Abril 19.

Napag-alaman na nakatanggap ng tawag mula sa radyo ng barko ang Baseport Calapan bandang 4:25 ng umaga na may pasaherong tumalon sa dagat habang nakasakay sa isang pampasaherong barko.

Sa inisyal na report, gagamit sana ng palikuran ang nasabing pasahero at habang inaalalayan siya ng kanyang kasama nang bigla na lamang niya itong itinulak bago siya tumalon sa dagat.

Matagumpay naman na nailigtas ng isang crew ng barko ang nasabing pasahero kung saan dumaong muli ang nasabing barko sa Calapan Port upang maibaba ang pasahero at maisakay sa ambulansya.

Wala namang nasaktan at sa ngayon ay nasa ligtas na kalagayan naman na ang nasabing pasahero. Jocelyn Tabangcura-Domenden