HINAMON ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang pamunuan ng Home Development Mutual Fund o mas higit na kilala bilang Pag-IBIG Fund na gawing makatotohanan ang estatistika sa pamamagitan ng pagtatayo ng mas maraming mura at abot-kayang pabahay na maipagkakaloob sa higit na maraming pamilyang Filipino.
Sinabi ito ni Pangulong BBM sa kanyang pagdalo sa paglalahad ng Chairman’s Report for 2023 sa Pasay City.
Binigyang-diin din niya na bilang isang national program, pangunahing layunin ng kanyang administrasyon na makapagtayo ng 6.5 million housing units para malunasan ang malaking kakulangan sa pabahay sa bansa.
Nais ni Pangulong BBM na maging bukas sa lahat ang home mortgage financing ng Pag-IBIG Fund para sa katuparan ng pangarap ng isang tipikal na pamilyang Filipino, ang pagkakaroon ng sariling tahanan.
Dagdag pa ng Pangulo, malaki ang kakulangan kaya kinakailangan na makapagtayo ang kanyang administrasyon ng pinakamaraming pabahay sa kasaysayan.
Sa ilalim ng “Pambansang Pabahay para sa Pilipino” program, target na makapagtayo ng isang milyon o higit pang pabahay sa bawat taon ng Marcos administration o hanggang sa taong 2028.
Aminado ang Pangulo na napakalaki ng kanyang hangarin pero malaki ang pagtitiwala niya sa kakayahan ni DHSUD o Department of Housing Settlements and Urban
Development Secretary Jose Rizalino Acuzar na siya ring chairperson ng Pag-IBIG Fund.
Ibinigay na halimbawa ni Pangulong BBM ang Pasig River Urban Development Project na pinangungunahan ng DHSUD na aniya sa loob ng dalawang taon ay may malaki nang pagbabago.
Ibinalita naman ni Sec. Acuzar na ang dividend rates para sa regular savings ng Pag-IBIG Fund ay nasa 6.55% at 7.05% para sa MP2 para sa taong 2023.
Ipinaalam din sa Pangulo na umabot sa Php126.04 billion ang kabuuang housing loan na inilabas ng Pag-IBIG Fund nitong 2023 na pinakinabangan ng mahigit 96,000 na miyembro para magkaroon ng sariling bahay.
Umabot naman sa Php59.31 billion ang naipahiram para sa short-term loan na para sa 2.65 million na mga miyembro, at annual net income na Php43.79 billion.