Home HOME BANNER STORY PHIVOLCS sa phreatic eruption ng Mayon: Walang pag-angat ng magma

PHIVOLCS sa phreatic eruption ng Mayon: Walang pag-angat ng magma

MANILA, Philippines – Walang pag-angat ng magma mula sa Bulkang Mayon, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Lunes, Pebrero 5.

Sa panayam, sinabi ni PHIVOLCS director Teresito Bacolcol na mula nang pumutok ang Mayon nitong Linggo ay wala silang namonitor na anumang aktibidad sa bulkan.

“So far after ng eruption, wala na po. In fact, wala na rin po tayong naitalang volcanic earthquake for the fourth day now since February 1,” ani Bacolcol sa panayam ng GMA News.

“Maganda ito. Ibig sabihin, walang magmang umaangat,” dagdag ni Bacolcol.

Alas-4:37 ng hapon ng Linggo ay naganap ang phreatic eruption sa Bulkang Mayon na tumagal ng 169 segundo.

Nagdulot ang phreatic eruption ng malakas na “booming sound,” rockfall, pyroclastic density currents (PDC) at 1,200 meter-tall plume.

Ang phreatic eruption ay isang “steam-driven explosion” na nangyayari kapag pinaiinit ng magma ang lupa o surface water.

“It is not as violent as magmatic eruption but it can still send ash and rocks sa hangin,” pagbabahagi pa ni Bacolcol.

Wala namang naitalang ashfall sa mga barangay malapit sa bulkan.

Nananatili ang Alert Level 2 sa Bulkang Mayon na nangangahulugan ng ‘moderate level of unrest.’ RNT/JGC

Previous articleBabae nagulungan ng trak, patay
Next articleMga debate sa Charter change, posibleng matapos sa Oktubre – Angara