Home OPINION PICTURE VS PICTURE SA MABANTA CASE

PICTURE VS PICTURE SA MABANTA CASE

124
0

MAAARING matatawa o maiinis o malilito ka sa naglalabasang mga isyu sa pagkakaaresto ni Franco Mabanta at mga kasama niya ng National Bureau of Investigation sa paratang na extortion o pangingikil umano kay ex-Speaker Martin Romualdez.

Ito’y dahil isa sa pinagpipiyestahang usapin sa kaso ay kung kaibigan o hindi nina Pangulong Bongbong Marcos o Vice President Sara Duterte itong si vlogger Franco Mabanta.

Pinagpipiyestahan ang usapin, lalo na nang maglabas si Palace spokesperson Claire Castro ng picture na kasama si Mabanta sa grupo ni VP Sara.

Saglit lang, may naglabas naman ng picture ni Mabanta na kasama sina Pang. Bongbong at First Lady Liza Araneta-Marcos sa Malakanyang at may payakap pa sa tahanan ng mag-asawa sa Forbes Park sa pa-birthday party kay Mabanta roon.

Ano sa palagay ninyo ang nangyayari lalo’t nagaganap ito sa gitna ng laglagan sa pagitan nina ex-Speaker Martin Romualdez, Pang. Bongbong at dating Kongresman Zaldy Co umano sa iskandalo sa flood control projects at hidwaang pulitikal sa pagitan nina Marcos at Duterte.

MGA KWENTO

May naglabas naman ng kwento na naging social media/digital strategist ng Pangulo si Mabanta simula pa noong 2018 at ‘yung BBM vlog, si Mabanta umano ang lumikha nito para i-promote ang karerang pulitikal ng Pangulo mula 2018 hanggang 2022 presidential elections at matapos nito.

Kinilala ang galing ni Mabanta nang itatag nito ang Peanuts Gallery Media Network o PGMN.

Si Mabanta umano ang naging dahilan upang maging maayos ang kampanya ni Marcos at nakatulong nang malaki ang mga interview sa Pangulo sa Youtube.

Nagpatuloy ang kanyang trabaho bilang online campaigner nang itatag nina Marcos at VP Sara ang Unity Team.

Pero sa huli, naging palaisipan sa pagkakaroon ng ilang taga-PGMN ng mga tirada laban kay Marcos.

EXTORTION KAY ROMUALDEZ AT SET-UP

Hinuli si Mabanta at apat pang kasama nito ng NBI sa bintang na extortion kay Romualdez na nagkakahalaga umano sa una ng P350 milyon na natawaran sa P300M at napagkasunduang ibibigay ang halaga nang 4 gives o hulugan.

Dito sa nasa P70M na kapat o ¼ ng P300M na dineliber ng tao umano ni Romualdez o taga-NBI hinuli sina Mabanta.

Sinubukan umano nina Mabanta na mangikil kapalit ng banta nilang ilalabas ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa mga anomalya ni Romualdez.

Sagot naman nina Mabanta, set-up umano iyon, walang extortion o pangingikil.

‘Yun bang === pinainan lang sila ng salapi para sila mahuli.

Katwiran pa nila, ginawa ang set-up upang mapigilan silang ilabas ang resulta ng kanilang imbestigasyon.

Habang tinitipa natin ito, mga Bro, maaaring nakalabas na sina Mabanta sa detention dahil pwede namang magpiyansa rito…kung wala silang ibang mga kaso na nakabinbin na may warrant of arrest.

Ano nga kaya ang katotohanan dito, mga Bro?

SUBAYBAYAN NA LANG NATIN

Subaybayan na lang natin ang mga susunod na kabanata ukol dito.

Basta ang malinaw, konektado ang lahat sa matinding korapsyon na nagaganap at nagsanga-sanga na lahat hanggang umabot sa labanan sa pulitika na posibleng makonekta sa halalang presidential sa 2028…kung matutuloy ito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here