Home OPINION RESILIENCY, SUSI SA BUILD BACK BETTER

RESILIENCY, SUSI SA BUILD BACK BETTER

1
0

TUWING may lindol, sunog, pagsabog ng bulkan, o iba pang kalamidad, agad nating nakikita ang pagbuhos ng relief goods, evacuation centers, at iba’t ibang anyo ng tulong. Mahalaga ang mga ito pero sapat na nga ba?

Ang tunay na sukatan ng isang ligtas at handang lipunan ay hindi lamang ang bilis ng pagtugon kundi ang resiliency o ang kakayahan ng mga tao, komunidad, at pamahalaan na makabangon, makapag-adjust, at maging mas matatag laban sa mga susunod pang sakuna.

Sa mga bansang tulad ng Japan at New Zealand, ang disaster response ay hindi nagtatapos sa relief operations. Kaagad nilang isinasagawa ang damage assessment, risk assessment, at recovery planning upang matiyak na ang mga bagong bahay at imprastraktura ay mas ligtas kaysa dati. Ito ang prinsipyo ng “Build Back Better,” isang international best practice ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction o UNDRR na naglalayon ng systematic restoration upang gawing mas matatag ang mga komunidad.

Sa Pilipinas, panahon na ring gawing pangunahing layunin ang enhanced community resiliency system. Hindi sapat ang pagtatayo ng temporary shelters kung ang mga pamilya ay babalik din sa mga lugar na mataas ang panganib.

Dapat magkaroon ng permanent relocation sites na may maayos na pabahay, tubig, kuryente, paaralan, health centers, at sapat na oportunidad sa kabuhayan. Kailangan ding mahigpit na ipatupad ang National Building Code, magsagawa ng regular na structural inspections, at gamitin ang hazard maps sa land-use planning upang maiwasan ang pagtatayo ng mga tahanan sa danger zones. Dito natin kakailanganin ang kaalaman at talento ng mga environmental planner safety professional.

Kasama rin sa resiliency ang pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan. Ang mental health and psychosocial support ay dapat maging bahagi ng disaster recovery upang matulungan ang mga biktima na makabangon hindi lamang sa pisikal kundi maging sa emosyonal na aspeto. Mahalaga rin ang regular na earthquake at fire drills, community emergency response training, at disaster education upang maging handa ang bawat mamamayan bago pa dumating ang sakuna.

Ang tunay na resiliency, dear readers, ay hindi nasusukat sa dami ng relief goods na naipamamahagi, kundi sa kakayahan ng isang komunidad na bumangon nang mas ligtas, mas matatag, at mas handa. Kung nais nating mabawasan ang pinsala sa bawat kalamidad, dapat nating isulong ang isang kultura ng preparedness, prevention, at resilience.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here