Home OPINION ROLLBACK NG KRUDO’T GASOLINA SANA DIRETSO NA

ROLLBACK NG KRUDO’T GASOLINA SANA DIRETSO NA

MALAKING ginhawa sa sambayanan ang nakaambang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo kung saan piso ang inaasahang matatapyas sa presyo ng gasolina samantalang  80 sentimos naman sa krudo.

Kasunod din nang inaasahang bababa ng bentahan ng Liquefied Petroleum Gas bunsod sa bawas presyo sa pandaigdigang merkado dulot ng pagtaas naman ng interest rates ng US at England.

Matatandaan na halos walang puknat ang lingguhang pagtaas ng presyo nito na inaarayan na ng mamamayan na naging dahilan naman ng patuloy na pagsirit ng pangunahing bilihing dagdag penitensya sa mga ordinaryong manggagawang naghihikahos na itawid sa gutom ang kanilang pamilya.

At mas lalo pang ramdam ng mga jeepney at tricycle driver ang walang pakundangang pagsirit ng presyo ng krudo’t gasolina dahil kakarampot lang naman ang inaprubhan ng gobyerno na pagtaas ng pasahe sa PUJ at iba pang pampasaherong sasakyan.

Batid nang lahat na ang hindi maawat na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin ang ugat din ng pag-angat ng inflation rate na nagdudulot naman ng negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa.

Maliwanag pa sa sikat ng araw na ginagawa ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos ang lahat ng solusyon upang maibsan ang nararanasang paghihirap ng mga kababayan at umangat na ang antas ng pamumuhay nila.

Kabilang ‘dyan ang pagpapalakas ng iba’t-ibang programa sa agrikultura upang may sapat na suplay ng murang pagkain sa hapag-kainan ang bawat pamilyang patuloy na umaasa sa gobyernong tumutugon naman rito.

Ito ‘yung alternatibong paraan ng pamahalaan upang hindi maramdaman ng mamamayan ang epekto ng pagsirit ng presyo ng produktong petrolyong hindi naman talaga kontrolado ng pamahalaan bunsod sa ang mayayamang bansang supplier nito ang nagdidikta ng pandaigdigang presyo.

Susmaryosep,kelan pa kaya darating ang panahon na hindi na tayo aasa pa ng suplay ng langis sa Middle East at iba pang oil producing na mga bansa?

Meron nga tayong Malampaya ngunit kulang pa sa demand ng mamamayang sa importasyon pa rin ng langis umaasa upang paandarin ang lahat ng makina sa bansa.