MULING bumanat si Vice President Duterte, “Madam Chair hindi ko rin maintindihan ang ugali ni Senator Risa Hontiveros ano iyong sinabi niya… I do not appreciate this kind of behavior and attitude.”
Tapos nagkwento na si VP ng wala namang kinalaman sa budget hearing at sa halip ay inistorya niya ang paglapit sa kanya at paghingi ng tulong na boto noong 2016 National Election para manalo na sa ikatlong pagkakataon si SenRi mula sa dalawang beses na pagkatalo nito.
Dagdag pa niya, alam naman daw niya na hindi naman tinutulungan ni Hontiveros ang kampanya sa pagkapangulo ng kanyang ama kaya hindi rin totoo na tumulong siya sa mambabatas sa halip ay tinawagan na lamang niya ang dating congressman sa kanilang lugar para ito ang tumulong kay Hontiveros.
Ayon kay VP Duterte, ito raw si Hontiveros ang unang bumatikos sa kanyang tatay, kaya ano raw ba ang tawag sa ugali ni SenRi?
Malinaw na gusto lamang ipahiya ni VP Sara si SenRi at kulang na lang ay sabihing wala itong utang na loob base sa kanyang salaysay sa naganap na budget hearing.
Ay ano naman kaya ang tawag sa ugali ng VP? ‘Di ba mapanumbat ito? Kaya lang sabi nga mismo ni VP ay hindi siya tumulong kay SenRi sa halip ipinasa lang niya sa iba, so ano ang kanyang gustong palabasin, di ba malinaw na wala siyang karapatang manumbat dahil hindi nga siya tumulong sa senadora para manalo.
Simple lamang naman ang tanong ni SenRi kay VP Sara na simple lang naman din sana ang sagot. Sa totoo lang, ang hindi ko rin talaga maintindihan kay VP Sara ay bakit hindi na lang niya sinagot ang simpleng tanong nang isang simpleng sagot din. Parang Math lang iyan na simpleng 1 + 1 lang ay hindi pa sinagot nang tama at sa halip ay nag-istorya pa nang wala namang kinalaman sa tanong.
Sa hearing na naganap ay paulit-ult na sinasabi ng Bise Presidente na pinupulitika ni Risa ang budget hearing ganoong nagtanong lang naman ang senadora sa VP nang simpleng tanong kaugnay sa sampung milyong pisong halaga ng libro na may pamagat na “Isang Kaibigan” na sinulat niya mismo na bibilhin gamit ang pera ng gobyerno.
Karapatan ng mga mambabatas gaya ni Senator Hontiveros na magtanong sapagkat ang budget ay pera ng taumbayan mula sa ibinabayad nilang buwis sa gobyerno kaya dapat ding malaman ng publiko o mamamayan kung kapaki-pakinabang ba or hindi ang mga paglalaanan ng budget.
Natawa na lamang ako ng sabihin ni VP Duterte ang word na boboto ganoong malinaw naman sa naganap na OVP budget hearing na walang nabanggit si SenRi na word na boboto. Hayst kasabihan ng matatanda sa una na nahuhuli ang isda sa bibig” ehek!