MULING ipinakita ng giyera sa Russia-Ukraine na walang ligtas na lugar, mapa-sibilyan man o mapa-militar.
Nauna rito, ganito rin ang naganap sa apat na araw na giyera sa pagitan ng India at Pakistan nang hindi na kailangang tumawid ang mga eroplanong pandigma ng mga ito sa pag-atake sa isa’t isa sa mga sibilyan na lugar at base militar.
Sa giyerang Russia-Ukraine, mga drone na sikretong isinakay sa mga sasakyan, kasama ang mga container van, ang ginamit para lapitan at pasabugin ang mga eroplanong pandigma ng Russia kamakalawa.
Drone din ang gamit sa mga pag-atake sa Moscow at sa mga sibilyang paliparan ng Russia.
Sa kabilang dako, drone, bomba at missile naman ang gamit ng Russia sa pagsira sa kahit anong lugar sa Ukraine, kasama ang Kyiv na capital city ng Ukraine.
At lalong titindi ang giyera sa dalawang bansa sa balak ng ibang mga bansa na armasan ang Ukraine ng walang limitasyon sa distansya na malalakas na bomba at missile.
Huwag din kalilimutan ang paggamit ng Amerika ng “mother of all bombs” sa Afghanistan noong Abril 13, 2017 laban sa Islamic State of Iraq and Syria-Khorasan tunnel sa Achin district, Nangarhar province, Afghanistan na ikinamatay ng maraming Afghan at hanggang ngayon, makalipas ng walong taon, ay hindi pa sila nakarerekober.
GIYERANG PINAS AT CHINA
Hindi maiiba ang sitwasyon ng posibleng giyerang Pinas at China sa kasalukuyang giyerang Russia at Ukraine at sa nakaraang giyerang Pakistan at India at maging ang paggamit ng katulad ng mother of all bombs sa Afghanistan.
Hindi imposibleng ma-drone, mabomba at ma-missile ang mga sentro ng pamahalaang Pilipinas gaya ng mga nasa Metro Manila at base militar ng Pinas kahit saan, kasama ang mga itinayong Enhanced Defense Cooperation Agreement sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaya naman, bago makipaggirian ang Pinas sa China, mag-isip-isip muna ang mga lider-sibilyan at militar natin.
Unang isipin siguro nila kung tayo ba, eh, ginagamit lang ng Amerika bilang isang bakod na kailangang durugin ng China sa pakikipaggiyera nito sa una bago lumusot laban sa Amerika mismo o kung saan may mga pwersang Kano sa paligid.
Ikalawa, sinasabi ng iba na ang mga EDCA ay hindi lang proteksyon ng Pinas kundi ng Taiwan na pinaggigirian ng China at Amerika.
Isa pa, alalahanin ang sinasabi ng iba na pinoprotektahan lang din ng Amerika, kasama ang ibang mga bansa, ang P3-5 trilyong negosyo nito na dumaraan sa South China Sea, kasama ang West Philippine Sea, sa pamamagitan ng pagtatayo ng EDCA at pag-aarmas sa Pinas bilang isang pangunahing pwersa nito.
Kung bakit kailangang mag-isip ang mga lider natin ay dahil una tayong madudurog sa giyera, mamatayan ng maraming mamamayan at madidiskarilan ng ekonomiya o kabuhayan bago ang mga Kano at mga kaalyado nila.
Sa mga sitwasyong ito na maaaring sapitin natin, dapat pag-isipan ng ating mga lider kung may katuturan ang pagpapakabayani para sa iba ngunit ikapipinsala naman nang labis ng sambayanang Pilipino.






