
SA pagpapauwi sa maraming Pilipino na nabiktima ng mga international human trafficking syndicate para makapunta sa Myanmar sa pamamagitan ng hindi kontroladong southern backdoor papasok ng Malaysia, santambak na ang trabaho ng Bureau of Immigration.
Sinabi ni Immigration Chief Joel Viado na walang partikular na batas sa Pilipinas na nagpaparusa sa mga lumalabas ng bansa sa iligal na paraan — kaya napipilitan ang mga awtoridad na dumepende na lang sa mga kaugnay nitong paglabag, gaya ng pamemeke ng dokumento. Hiling niya ang mas istriktong pagpapanagot sa mga ito, iginiit na ang pagtukoy sa mga ganitong illegal exits bilang krimen ay makakapigil sa mga traffickers at mahihinto na ang pambibiktima sa mas maraming Pilipino. Binanggit din niya ang kakulangan ng mga nagbabantay sa mga hangganan, partikular na sa mga baybayin sa katimugan, kung saan walang hirap na nakapagpupuslit ng tao ang maliliit na bangka.
Ilang buwan na ang nakalipas nang umiskiyerda palabas ng bansa si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagdaan sa backdoor sa Tawi-Tawi upang makaiwas sa pag-aresto kasunod ng pagkakaugnay niya sa mga iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators. At maging si Harry Roque — na ngayon ay umaapela ng asylum sa The Netherlands — ay nagawang makabyahe patungong Middle East nang walang anomang opisyal na departure record.
Malinaw na malamya ang pagbabantay sa ating mga hangganan, nananatiling talamak ang human trafficking, at walang hirap na nakatatakas ang mga wanted na prominenteng personalidad. Hindi na nakapagtataka kung humiling man si Viado nang mas matinding parusa laban sa mga Pilipinong iligal na lumalabas ng bansa.
Pero may isa pang problema: iyong mga pumupuslit ay karaniwan nang nakikinabang sa mga repatriation program ng gobyerno — na para sana sa mga OFW na tumatalima sa batas.
Kapag nagkakaproblema sa ibang bansa ang mga lehitimong overseas Filipino workers, ang kanilang mga recruitment agency — hindi ang gobyerno — ang sumasagot sa pagpapauwi sa kanila sa bansa, kabilang ang pasahe sa eroplano at iba pang pangunahing gastusin. Ito ay dahil sumasailalim sa masusing proseso, gumagastos sa mga kailangang bayaran, at sumusunod sa mga regulasyon ng pamahalaan ang mga lehitimong OFW.
Samantala, silang mga pumupuslit gamit ang mga iligal na ruta ay lantarang nakakalusot sa sistemang ito. Kaya naman kapag nagkaproblema — halimbawa’y nabiktima ng human traffickers o napahamak sa iligal na employment schemes — walang recruitment agency na tutulong sa kanila. At sino ngayon ang gumagastos para sa kanila? Ang gobyerno ng Pilipinas. Ang pondong inilaan para alalayan ang mga OFW na masunurin sa batas ay ginagamit sa pagsasalba sa mga sinadyang suwayin ang ligal na sistema.
Hindi lamang ito simpleng problema sa operasyon — maliwanag na hindi ito patas para sa milyun-milyong OFWs na dumadaan sa tamang proseso, nagbabayad ng employment fees, at nag-aambag sa ating ekonomiya. Samantala, ang mga pasaway naman ay hindi lamang nakakaiwas sa mga obligasyong ito, nagiging dagdag pasanin pa sila sa ating gobyerno sa aspetong pinansyal.
Siyempre pa, desperasyon ang karaniwang dahilan ng ilang Pilipino kaya iligal silang lumalabas ng bansa. Marami ang naniniwalang iyon lamang ang paraan nila para makaahon mula sa kahirapan, isang oportunidad para mabuhay ang kanilang mga pamilya. Karapat-dapat lang na kaawaan ang reyalidad na ito. Pero ang hayaang magpatuloy lang ang mga pagpuslit na ito ay nagpapalala lang sa kriminalidad, pang-aabuso, at kapalpakan ng gobyerno.
Kung seryoso talaga ang mga awtoridad na ito’y solusyunan, hindi dapat na tutukan lang nila ang pagpaparusa sa mga iligal na lumalabas sa bansa. Dapat nilang papanagutin ang mga trafficker, isara ang mga backdoor na pangunahin nilang dinadaanan, at tiyaking hindi naaagrabyado silang mga tumatalima sa batas.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.