
KAPWA isinusuka na ng dalawang kampo si Senator Imee Marcos at lalong lumalabnaw ang tsansa niyang manalo sa 2025 mid-term elections.
Sa campaign rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Trece Martires sa Cavite noong nakaraang linggo, initsa-puwera ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang speech ang kapatid na senadora.
Nang maglabas naman ng endorsement si Vice President Sara Duterte, hindi na nakapagtataka na hindi kabilang dito si Imee.
Nabisto na kasi ng mga tao ang kanyang pagbabalat-kayo.
Nang magsabi ang presidential sister na hindi siya dadalo sa kampanya ng Alyansa sa Tacloban City, Leyte noong March 14 dahil hindi niya matanggap ang ginawang pag-aresto ng International Criminal Court kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, dito’y kinutya siya ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
“Bolahin mo lelang mo!” patutsada ni Panelo. At kanya ring binatikos ang plano ni Imee na imbestigahan ang pag-aresto sa dating pangulo.
Sinabi ng dating chief presidential legal counsel na unnecessary ito at isa lang ‘publicity’ para sa nalalapit na halalan. Para naman kay Senator Bong Go, “too late the hero” ang pag-akto ni Imee.
Halata ang galawan ni Imee. Ang hindi klarong paninindigan ni Imee (sa nakaraan at hanggang ngayon) sa pagitan ng kanyang kapatid na si PBBM at VP Sara ay nagdudulot ng kalituhan sa mga botante.
Sa maraming pagkakataon, namamangka sa dalawang ilog ang senadora. Noong Oktubre 2024, nagbanta si Duterte na ipahukay ang labi ng kanilang ama, si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., mula sa Libingan ng mga Bayani kung hindi ititigil ng House of Representatives ang imbestigasyon sa paglustay ng pondo ng Office of The Vice President.
Sa kabila nito, nanatili si Imee sa panig ni Sara. Nagpahayag pa nga siya nang pagtutol sa impeachment trial laban sa Bise Presidente.
Sabi ng mga maalam sa politika, ang campaign strategy ni Imee ay hindi epektibo kaya nagreresulta ito sa pagdausdos ng kanyang ranggo sa pre-election surveys.
Ngayon pa lang anila ay tiyak na ang kanyang pagkatalo.