
INIHAYAG ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romuladez na “quite a number” na ang mga Filipinong maaaring palayasin ng gobyernong Donald Trump anomang araw.
Pero hindi nakatitiyak si Romualdez sa bilang ng mga palalayasin o ide-deport dahil sikreto o confidential umano ito.
Basta ang nalalaman niya, marami na ang naka-detain at nakalista nang Pinoy na itatapon sa labas ng US.
Matatagpuan umano ang mga ito sa iba’t ibang estado ng US.
Noong una, may 24 itinapon pabalik sa Pilipinas noong Enero.
Pagdating ng Pebrero, inianunsyo ng gobyerno na may 80 posibleng maitapon at nitong nagdaang mga araw, may pinangalan na tatlong dagdag na kandidato sa deportasyon.
Sa palagay ba ninyo, ‘yang salitang “Quite a Number”, mga Bro, eh 100 lang?
O baka naman libo-libo na?
Hindi imposibleng libo-libo na dahil meron ngang tinatayang 350,000 na Pinoy na iligal na nanirahan doon.
GREEN CARD HOLDER, NATURALIZED AMERICAN, KASAMA
Kasama ang mga ang mga green card holder at naturalized citizen na pupwede pa ring palayasin ni Trump kung matatagpuan ang mga ito na may mga kriminal rekord.
Alalahaning isang pribilehiyo lang ang pagkilala sa mga dayuhan na posibleng maging Kano gaya ng mga green card holder o naturalized citizen na.
Dahil pribilehiyo lang, pupwede nilang bawiin ang mga ito anomang sandali saka sila palalayasin.
Ganito rin ang patakaran sa Pilipinas at isa sa mga dahilan ng pagbawi ng pribilehiyo at pagpapatupad ng deportasyon ang paglabag sa mga batas natin.
At alam ba ninyo, maging ang mga may tattoo, idinadamay na palayasin at nararanasan ito ng mga taga-Nicaragua, Haiti, Venezuela at Cuba?
Kahit pabiro lang ang tattoo sa iyong katawan at nauugnay ang iyong tattoo sa mga criminal gang o drug cartel, palalayasin ka.
Hindi nila kinikilala ang iyong katwiran na inosente ka kung matatagpuan kang may tattoo na may konek sa drug cartel o criminal gang.
350,000 PALALAYASIN
Hindi biro-biro ang bilang na 350,000 Pinoy na mapalalayas sa ‘Merika, mga Bro.
Marami ang alalahanin dito.
Kabilang sa mga maaapektuhan ang mga batang dependent o nabubuhay sa padala o remittance ng mga Pinoy sa US.
Gaano karaming batang nag-aaral ang posibleng lumipat mula sa mga pribadong iskul sa mga pampublikong eskwela?
Ito’y dahil mawawalan na sila ng ikinabubuhay nilang padala o remittance.
Gaano karami sa mga deportee ang may madadatnang maayos na trabaho o pagkakitaan o baka naman madaragdag lang sila sa mga tambay o unemployed?
Ang mga may sakit na mga miyembro ng pamilya na hindi gaanong nagdedepende sa mga pampublikong ospital dahil may pambayad sila mula sa mga padala, paano ang pagdagsa ng mga ito sa mga pampublikong ospital sakaling wala na silang panggastos?
Ang pamasahe ng mga ito sa pag-uwi, boluntaryo man o sa deportasyon, sino ang magbabalikat o gagastos?
Dapat na ngayon pa lang, may mga inihahanda na, lalo na ang gobyernong Pilipinas, na programa para sa kanila at sa kanilang mga daratnang pamilya.
Nasaan ang mga paghahandang iyon?