Home OPINION SOBRANG INIT

SOBRANG INIT

TUMAAS ang konsumo ng kuryente ng mga pamamahay lalo na sa Kamaynilaan bunsod ng grabeng init na nararanasan ng mga residente rito kung saan walang tigil ang andar ng mga electric fan at airconditioned unit nila.

Mas malala ang kalagayan ng mga nakatira sa squatters area dahil magkakadikit ang mga kabahayan kaya naman maalinsangan pa rin ang ibinubugang hangin ng electric fan kaya labas-pasok ngayon sa mga ospital ang mga kabataang madalas tamaan ng sakit dala ng kuwaresmang ito.

Kanya-kanyang diskarte nang suspensyon ng klase ang Department of Education at local government units upang maibsan ang epekto ng tag-init sa mga mag-aaral lalo na sa elementarya kahit sa mga lalawigan ay ramdam talaga ang nagbabagang init dulot ng El Niño.

Malaki na ang lugi ng mga magsasaka na itinuturing na food producers ng bansa kaya naman kaliwa’t kanang ayuda ang ipinamimigay ngayon ng gobyerno upang labanan ang kakarampot na ani nilang madalas tamaan nang kawalan ng suplay ng tubig sa mga pananim.

Matagal ng alam ng sambayanan na ang puno’t dulo nang nagbabagang sikat ni Haring Araw ay dahil sa malaki na ang butas ng ozone layer at iba pang isyu sa climate change na sadyang marapat na hindi ipagwalang bahala.

Kaya naman mismomg si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ang nangunguna sa paghikayat sa mga negosyanteng power supplier na renewable energy ang pasukin sa bansa bunsod ng mga dambuhalang genetor set o genset na ginagamit ng electric companies na gumagamit ng fossil fuel kagaya ng krudo ay bumubuga ng maitim na usok na kargado nang nakalalasong kemikal sa kalikasan natin.

Subalit ang tanging magagawa ng ordinaryong mamamayan ngayon upang maibsan ang epekto nito sa kalusugan at kabuhayan ay huwag magbilad sa araw lalo na sa tanghali hanggang hapon at magtipid sa paggamit ng tubig at kuryente.

Sa madali’t sabi, ramdam na ng taumbayan ang paniningil ng kalikasan dulot nang sobrang pang-aabuso, mismo ng mga tao.