Home OPINION SALAMAT MAMA

SALAMAT MAMA

MEDYO na-late ng konti, pero ihahabol ko pa rin. Isang mainit at punong-puno ng pagmamahal na pagbati sa lahat ng mga nanay! Hindi lang sa mga nanay na pisikal na nagsilang ng anak nila, kundi lahat ng may pusong ina, malapit nang maging mga ina at kahit iyong wala naman anak pero may responsibilidad bilang isang ina.

Walang duda na hindi magiging kumpleto ang isang pamilya kung wala si Inay. Hindi rin magkakaroon ng tamang pagpapalaki sa mga anak kung walang presenya n’ya. Siya na ilaw ng tahahan, liwanag ng pamilya, taga-salo ng mga problema at tagapangalaga ng kalusugan at kagalingan ng asawa at mga anak.

Si Inay ang gagawa ng lahat ng paraan para seguruhin na merong pagkain sa lamesa, mayroong uniporme at gamit sa eskwelahan at gamot kung mayroong sakit ang mga bata. Hindi matutulog si Nanay hangga’t hindi tapos mag-aral, hindi mapapagod maghanap ng paraan para may ipambayad sa tuition o maisuot sa activity o sa graduation.

Si Nanay na ginawa ang lahat ng diskarte at pinasok ang lahat ng pwedeng negosyo o pagkakitaan para mairaos ang mga gastusin sa bahay at itaguyod ang kinabukasan ng mga anak.

Walang trabaho na mahirap o kahit na maliit para sa kanya. Lahat ay pwede n’yang gawin, basta para sa mga anak.

Si Mama, na hindi makatulog hanggat hindi nakakauwi ng bahay si Kuya. Balikat n’ya ang iniyakan ni Bunso nang mag-break sila ng boyfriend niya. Dibdib n’ya ang kanlungan ni Ate nang hindi ma-renew ang kontrata n’’ya at na-endo. Kamay n’ya ang humaplos sa likuran ko nang umuwi akong lasing pagkatapos naming makagraduate noong college.

Andaming beses na pinigilan niya ang sarili at pinagpaliban ang mga pangarap, kasi kailangan unahin ang mga pangangailangan naming mga anak. Hindi bale nang kulang ang sa kanya, basta sapat ang para sa mga bata.

Salamat Ma! Kung hindi dahil sa iyo, wala ako rito sa kinalalagyan ko.