Home OPINION MAYNILAD NAMIGAY NG RAINWATER HARVESTING FACILITIES AT WALANG WATER INTERRUPTION

MAYNILAD NAMIGAY NG RAINWATER HARVESTING FACILITIES AT WALANG WATER INTERRUPTION

Tig-iisang 1,500-liters-capacity rainwater harvesting facilities ang ipinagkaloob ng Maynilad o Maynilad Water Services, Inc. sa mga lungsod ng Malabon, Maynila at Pasay, gayundin sa mga bayan ng Teresa at Morong sa probinsya ng Rizal upang magamit bilang alternatibong pagkukunan ng tubig.

Hindi maaaring inumin ang tubig na makokolekta ng naturang kagamitan, subalit pwede itong gamitin na pangdilig sa halaman at pangbubuhos ng inidoro.

Ang gawaing ito ay bahagi ng pagsisikap ng Maynilad na pa­lakasin at bigyang-sandata ang lokal na komunidad sa epekto ng El Niño.

Upang mas mapakinabangan ang rainwater harvesting facility, maglalagay rin ang Maynilad ng vertical garden frames sa kalapit ng pasilidad. Sa paraang ito magkakaroon din ng pagkakataong makapagtanim ng gulay ang mga residente. At upang bigyang-kaalaman ang mga ito, isasagawa rin ng Maynilad ang workshop tungkol sa urban gardening.

Nagpasalamat din ang Maynilad sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at National Water Resources Board (NWRB) sa pagpapanatili ng raw water allocation sa 50 cubic meters per second (CMD) para sa panahon ng Mayo 1 hanggang 15, 2024, kung saan kinakailangan ito ng alokasyon dahil sa pagtaas ng demand ng tubig dahil sa heat index.

Nauna nang hiniling ng Metropolitan Waterworks and Se­werage System (MWSS) sa NWRB na panatilihin ang 50 CMS na alokasyon nito mula sa Angat Dam, na nagsisilbing panguna­hing pinagkukunan ng tubig para sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ng Rizal, at mga bahagi ng Cavite at Bulacan.

Sinabi ng Maynilad na sa 50 CMS alokasyon, walang magiging service interruptions sa loob ng West Concession, maliban sa scheduled at emergency maintenance activities. Gayunpaman, nagbabala ang Maynilad na ang pagtaas ng demand ng tubig ay maaaring humantong sa pagbaba ng network pressure sa kabila ng patuloy na alokasyon na ito, maliban kung ang mga mamimili ay nagtutulungan upang pamahalaan ang kanilang pagkonsumo ng tubig.

Ang Maynilad ang pinakamalaking pribadong water concessionaire sa Pilipinas kung ibabase sa bilang ng customers o parokyano. Sakop nito ang ilang bahagi ng Maynila, Quezon at Makati (west of South Super Highway). Gayundin ang Caloocan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Valenzuela, Navotas at Malabon. Samantala, ito rin ang nag-su-suplay ng tubig sa Bacoor, Imus, Kawit, Noveleta at Rosario sa Cavite.