Home NATIONWIDE Solon pinuri sa pagsulong ng pinalaking benepisyo ng matatanda, PWD

Solon pinuri sa pagsulong ng pinalaking benepisyo ng matatanda, PWD

MANILA, Philippines – PINURI ng mga lider ng mga grupong kumakatawan sa mga senior citizen at ‘persons with disabilities’ (PWD) o mga taong may kapansanan si ‘House Ways and Means Chairman,’ Albay Rep. Joey Sarte Salceda dahil sa kanyang masigasig na pagsulong sa mga benepisyo para sa kanilang mga sektor sa kapaki-pakinabang na dalawang buwang ‘marathon hearing’.

Tatlong komite ng Kamara ang kasali sa naturang pagpupulong — ang ‘House Ways and Means Committee’ na pinamumunuan ni Salceda; ang ‘Senior Citizens Affairs panel,’ na pinumumunuan ni Rep. Rodolfo Ordanes; at ang ‘PWD affairs committee’ na nasa ilalim ni Rep. Alfel Bascug. Kumbidado rin sa naturang pagpupulong ang matataas na pambansang opisyal ng mga samahan ng mga ‘senior citizens’ at PWD, at iba pa.

Iniakda ni Salceda ang 60 araw na ‘marathon joint hearings’ ng tatlong komite ng Kamara na nagsimula pa noong Enero sa utos ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez bilang tugon sa magkakasalungat na ulat kaugnay sa diumano’y maling pagpapatupad sa mga benepisyong laan sa mga ‘senior citizens’ o matatanda at mga PWD na taliwas sa isinasaad ng mga batas.

Sa isang pahayag, pinasalamatan ni ‘National Commission on Senior Citizens (NCSC) chairman’ Franklin Quijano si Salceda dahil sa tinawag niyang “most productive congressional hearings” o pinakamabungang mga pulong na dinaluhan ng kanilang ‘Commission’ sa ilalim ng kanyang pamumuno,

Pinuri at pinasalamatan din si Salceda ni ‘Executive Secretary’ Nonita Red ng Liga ng OSCA [Office of Senior Citizens Affairs] ng Pilipinas, sa malawakan at malalim na talakayan sa pagpupulong at naging kapaki-pakinabang ito para sa kanilang sektor.

“Taos puso naming pinasasalamatan ang sarili naming Kinatawan Joey Salceda sa kanyang tunay na malasakit at pagsulong sa kapakanan ng ating ‘senior citizens’ o matatanda,” madiing sabi ni Red na siyang namumuno sa OSCA ng Oas, Albay.

Ayon kay Salceda, kasama sa mga positibong bunga ng kanilang ‘joint committee hearings’ ang mga sumusunod:

-Ang pinalaking pakinabang ng matatanda sa diskuwento sa binibili nilang personal na pangangailangan na itinaas sa P500 mula sa P260 bawat buwan;

-ang madaling pagtawag ‘online’ sa mga ‘ride-hailing and delivery platforms’ gaya ng Grab, Angkas, at FoodPanda; ang espesiyal na ‘discount application’ sa MERALCO para sa mga SC at PWD;

-ang 40% diskuwento ng mga SC at PWD mula sa Starbucks;

-ang dagdag na 20% ‘top-up commitment on RFID load’ para sa matatandang gumagamit ng ‘SMC Tollways’;

-libreng pagparada ng matatanda ng kanilang sasakyan sa mga ‘major malls’;

-pagbibigay ng itinalagang diskuwento sa matatanda hiwalay sa mga ‘promo offers’ ng malalaking tindahan;

-mga amyenda sa ‘implementing guidelines’ ng mga programa ng pamahalaan gaya ng TUPAD at ‘Government Internship Programs’ para libreng makasali ang mga ‘Senior Citizens’;

-pagpapalawak sa mga benepisyo ng Philhealth lalo na sa pngangalaga at rehabilitasyon ng mga may kapansanan;

-paggamit ng ‘electronic alternatives’ sa halip ng dating ‘booklet system’ para makakuha ng diskuwento ang matatanda.

Bukod sa mga nabanggit, pinagtibay din ng ‘Joint Committees’ sa mga pagpupulong ang mga ‘substitute neasures’ para sa mga House Bills 10061, 10062 at 10063, na magpapalawak ng mga benipisyo para sa mga PWD at matatanda.

“Binabati ko ang mga ‘co-chairmen’ ko na sina Rep. Rodolfo Ordanes at Rep. Alfel Bascug sa kapakipakinabang at mabungang mga talakayan namin. Napagtibay din namin ang tatlong panukalang batas na higit na nagpapaliwanag na ang mga diskuwento na dapat ibigay sa mga PWD at matatanda sa kabila ng kanilang mga ‘promo prices’, ang diskuwento sa pagparada ng sasakyan ng mga SC at PWD; ang diskuwento sa binibili nilang pangangailangan; at ang libre nilang pagsali sa mga ‘training programs’ ng gobyerno,” pahayag ni Salceda.

“Pinasasalamatan ko rin si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mahusay niyang pamumuno sa NCDA at mabisang pakikipag-ugnay sa NCSC upang isulong ang higit na makatotohanang mga benipisyo para sa mga SC at PWD, at sa pinasimulan niyang mga hakbang tungo sa pagkakaisa at pagtutulungan ng mga ahensiya para sa kanilang kapakanan,” dagdag niya.

Sa ginanap na mga pagpupulong at talakayan, buong sigasig na isinulong ni Salceda ang mga usaping kaugnay sa pagbibigay ng pagkakataong magkaroon ng kapaki-pakinabang na pagkakakitaan ang matatanda at may kapansanan.

“Naniniwala akong ang mga benepisyong ito ay pinakamainam dahil binibigyan sila nito ng ibayong dignidad at pagkakataong magkaroon ng disenting trabaho at pagkakakitaan na suportado ng pribadong sektor upang patuloy silang maging kapaki-pakinabang na bahagi ng Lipunang Pilipino,” giit ni Salceda na kilala bilang respetadong ekonomistang mambabatas.

“Batay sa aming pagaaral, bilang resulta ng higit na malawak na pagsunod sa itinatadhanang mga suporta para sa mga PWD at matatanda, aabot sa mga P112.6 bilyon ang halaga ng mga benepisyong mapupunta sa kanila ngayong taon lamang,” tantiya niya.

“Natapos at inabot ng 60 araw ang ginanap naming pagpupulong at talakayan mula nang iniutos ito ni Speaker Romualdez,” dagdag ni Salceda. RNT

Previous article5 lugar posibleng umabot sa dangerous heat index ngayong araw
Next articleRodrigo Duterte nanguna sa pinakahuling senatorial poll ng Pulse Asia