Home OPINION SONA, SANA HINDI TAUNANG SARSUELA

SONA, SANA HINDI TAUNANG SARSUELA

91
0

SINASABI ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na magiging maulan sa araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ito’y dahil sa paglakas ng maulang habagat na hinahatak mula timog patungong norte ng papalayong bagyong si Carina.

Marami ang ibig sabihin o ibubunga niyan lalo na kung uulanin mismo ang lugar ng SONA at buong Metro Manila at mga lalawigang nakapaligid dito.

PASIKLABAN SA GOWN AT SASAKYAN

Mahigit 2,000 bisita umano ang dadalo sa SONA.

Marami ‘yang mga kongresman, senador, taga-Palasyo at iba pang mga bisitang ituturing na mga very important persons.

Karamihang dala-dala nila ang kanilang mga first lady at first gentleman nila, bukod pa ang kanilang mga tsuper, alalay at kung sino-sino pang akay-akay nila.

Walang kapagod-pagod ang mga ito sa pagdating at pag-alis nila sa Kamara dahil tiyak na magkakaroon ang mga ito ng mga escort na may mga wangwang para sa kanilang magagara at mamahaling sasakyan.

Pagbaba nila, diyan na magpapasiklaban ang mga lalaki at babae sa mga suot na damit.

Sa parte ng kababaihan, naririyan ang mga may napakamamahal na gown, Filipiniana, madiamanteng jewelries, relos, sapatos at iba pa.

Ni walang palatandaan ng gutom mula sa kahirapan.

Beso-beso at kaway-kaway na katakot-takot at may mga pipilahan para magmano sa dapat pagmanuhan para umulan at hindi magtampo ang grasya.  

BASANG-BASA AT PUTIKAN SA LABAS

Sa labas ng Kamara, tiyak na makararanas ng katakot-takot na lakaran ang mga pro at anti-Marcos at hindi sila katulad ng ladies and gentlemen na pumunta sa loob ng Kamara.

May mga nakatsinelas at nakasapatos ngunit tiyak na mababasa sa ulan at baha.

Pare-parehong makararanas ang mga raliyista na pro at anti-Marcos at mga pulis ng maulan, maputik at mabahang kalagayan.

Maaaring marami ang magkakasakit sa mga ito pag-uwi nila.

Ang mga pulis, tiyak ang kanilang pribilehiyo sa mga ospital at gamot.

Ang mga raliyesta?

Para malibre sa gastos sa gamot at serbisyo ng mga doktor at ospital, maaaring makipila sila sa mga Malasakit Center na pinagunahang itayo ni Senador Bong Go, kasama ang iba pang mga senador, ibang ahensya ng pamahalaan at mga mamamayan.

Para maiwasan at mabawasan ang pagkakasakit, mabuting magbaon ng payong, kapote at bota ang lahat ng mga dadalo sa SONA na initsapwera sa loob ng gusali ng Kamara.

O magdasal sila nang todo para hindi uulan nang husto sa kanilang pwesto na inilaan ng gobyerno para makaiwas sila ng gulo.

LAMAN NG SONA

Murang bigas, apordabol na presyo ng mga bilihin, kasama ang mga tubig at kuryente, sapat na trabaho  at sahod, sapat at masustansiyang pagkain, sapat na edukasyon, apordabol na pamasahe, durog na iligal na droga, kapayapaan at ‘di giyera, kapayapaan sa karagatan, malins at hindi mabahang kapaligiran,  at iba pa.

Ito ang ilang batayang hiling ng higit na nakararaming mamamayan.

Ano-ano kaya ang mga nagawa na ng gobyerno sa mga suliraning ito at ano-ano ang ipangangako nito sa susunod na taon o hanggang 2028?
Sana, huwag nang gawing taunang sarsuela ang SONA.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here