MARAMI ang hindi mapakali o nahihiwagaan sa pag-upo ni Senate President Sherwin Gatchalian katabi ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero sa presiding officer’s table.
Nakikita itong nagte-take notes lamang sa mga puntos ng prosecutor, depensa, kapwa senator-judges, ruling ng presiding officer at iba pang bagay.
Ngunit hindi ito nagsasalita, at least, sa nakaraang dalawang araw ng paglilitis.
Kung ano ang dahilan, walang nakaaalam ngunit maaaring magbukas naman ito ng bibig kung kinakailangan.
NAGMUMUKHANG KAWAWA
Bukod sa hindi mapakali at nahihiwagaan ang iba, marami ang nagsasabing tila kinakawawa siya ngayon sa kanyang pwesto.
Sinibak na nga umano siya ng kanyang mga kasamahan sa mayorya bilang presiding officer, inilagay pa siya sa pwestong nagmukha siyang kaawa-awa.
Nagmukha siyang kaawa-awa dahil dinodomina ngayon ng complex legal and judicial na mga usapin ang paglilitis at maaaring dito umano lumilitaw ang kanyang kakapusan sa pagiging presiding officer.
Maaari talaga umanong uubra ang naging pagsisikap niyang matuto bilang presiding officer sa pamamagitan ng pagrebyu sa nakaraang mga paglilitis sa impeachment.
At isa sa mga pinakasensitibong bagay rito ang maglabas ng ruling o pagpapasya sa mga kontrobersya sa pagitan ng lahat ng kasali sa paglilitis, kasama ang mga senator-judge.
At nakikita naman si SJ Chiz na very competent bilang presiding officer at nakakukuha ng pagtitiwala ng publiko na maayos nitong ginagampanan ang trabaho bilang eksperto sa paghawak ng kaso.
Malinaw sa bawat hakbang, kahit nakalilito sa ordinaryong mamamayan, ng mga nagtatagisang prosekusyon at depensa, at maging sa hanay ng mga senator-judge, na mayroon itong tiyak na tugon o ruling o pagpapasya…na tinatanggap naman ng bawat kasali sa paglilitis.
MAY DAHILAN NG KANYANG PAG-UPO
Tiyak namang may mga dahilan ang mga senador-hukom sa pagpupwesto kay Gatchalian sa tabi ng presiding officer.
At dapat na respetuhin ang mga iyon.
Maaaring isang dahilan ang pansamantalang paghalili sa presiding officer sa oras ng pangangailangan.
Kaya pinakamainam na nasa tabi lang siya ng presiding officer para buo nitong masubaybayan ang lahat ng pangyayari at handa itong umakto kung kinakailangan.
Kaya lang kung magpapatuloy ang ganitong eksena na nakikita ng publiko na tila wala namang mahalagang gampanin si SP Sherwin kundi mag-take notes, hindi magandang makita siyang parang kinakawawa.
Maganda sigurong magpaliwanag ang Impeachment Court o ang Senado kung bakit nga iniuupo si SP Sherwin sa buong panahon ng pagdinig kahit hindi ito sumasabat sa mga usapan.
Habang walang malinaw na paliwanag, hindi magandang tingnan na nakaupo lang siya sa tabi ng presiding officer.
May nagsasabi pa ngang nakapagpapababa ng dignidad ni Gatchailan bilang Senate President ang nagaganap bagaman sinasabi naman ng iba na kabaligtaran nito ang katotohanan dahil pagpapanatili ng respeto sa kanya ito.
Sa katunayan, pinaupo si noo’y Senate President Aquilino Pimentel Jr. sa tabi ni Presiding Judge Hilario Davide sa paglilitis ng kasong impeachment noon ni Pangulong Erap Estrada, bilang respeto sa posisyong Senate President.






