Home OPINION SUNOOOOOG! MAHINANG TUBIG, MASIKIP NA DAAN

SUNOOOOOG! MAHINANG TUBIG, MASIKIP NA DAAN

MULING lumitaw ang dalawang sungay ng sunog sa Metro Manila nang maganap ang malaking sunog sa Barangay 105, Tondo, Manila.

Ang mga sungay? Masisikip na daan at mahinang tubig.

Ayon sa mga bumbero, hindi makapasok ang kanilang mga fire truck sa sikip ng daan at sa rami ng tao sa lugar.

Pero ang nakakikilabot pa, ang mahinang tubig mula sa mga fire hydrant.

Kaya naman, ang remedyo nila, panawagan sa maraming fire truck na may dalang tubig.

At pinagkokonekta-konekta na lang nila ang mga hose ng bumbero mula sa labas patungo sa mga nakapwesto malapit sa sunog.

Pero nariyan pa rin ang bunga ng dalawang malalaking problema: 2,000 tao ang nawalan ng masisilungan at nasa 200 bahay at gusali ang natupok o hindi na pupwedeng tirahan.

Higit diyan, paano ayudahan ang dalawang libong tao na hindi lang nawalan ng tahanan kundi ng lahat ng pinagpaguran at may pansalamantalang pagtigil sa kanilang hanapbuhay at pamamasukan sa trabaho?

Paano sila ayudahan sa tiyak na matagal na panahon, kasama ang mga mag-aaral, senior citizen, maysakit at iba pa?

May mungkahi lang tayo, mga brad.

Kapag magsibalikan ang mga nasunugan sa lugar, dapat makialam sina Manila Mayor Honey Lacuna at ang city engineering office sa pagtatayo muli ng mga gusali.

Dapat igiit nila ang pagkakaroon ng sapat na espasyo o kalsada para sa mga bumbero para makapasok sila sa kaloob-loobang lugar.

Panahon na ring gawing aktibo, organisado at praktisado ang mga barangay volunteer laban sa sunog, kasabay ng pagkakaroon ng mga gamit-pamatay sunog ang mga ito gaya ng mga fire extinguisher at ipong tubig sa mga mahahalagang lugar.

Kasama dapat sa mga pinapraktis laban sa sunog ang mga nakatira sa mga building na matataas at malalaki, condominium man o pagawaan.

Ang Maynilad at Manila Water ang dapat sumagot naman sa sinasabi ng mga bumbero na kakapusan ng tubig.

Previous articleIBA-IBANG REAKSYON NG NETIZENS SA VIRAL VIDEO NG GURO
Next articleEasterlies magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa