
PANAY ang survey o sarbey ngayon ukol sa pinakamatataas na pinuno ng ating bansa.
Bale dalawa ang magkasunod na sarbey.
Kamakailan lang, may Pulse Asia, at nitong nagdaang araw, may OCTA.
Sa sarbey lumilitaw ang pananaw ng mga tao ukol sa pagganap sa tungkulin o performance ng mga pinuno at pagtitiwala sa kanila.
Sa pagsukat kina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte ang tila nakakakuha ng atensyon higit ng mga mamamayan kaysa sa ibang mga pinuno.
OCTA SURVEY
Ayon sa OCTA, bumaba ng limang puntos ang grado ni Pang. Bongbong habang tumaas ng siyam kay VP Sara, ayon sa 1,200 na respondents noong Abril 2- 5, 2025 sa Luzon, Metro Manila, Visayas at Mindanao.
Sa pagtitiwala, bumaba mula sa 65 sa 60 ang grado ni Pang. Marcos habang tumaas ang kay VP Duterte mula sa 49 sa 58.
Sa performance, bumaba rin kay Pangulo mula sa 64 sa 59 habang kay VP, tumaas mula sa 48 sa 56.
Sa kabuuan, mas mataas pa rin ang grado ni Pang. Marcos kay VP Duterte.
PULSE ASIA
Nitong Marso 23-29 na may 2,400 respondents sa buong Pinas din, heto ang resulta sa performance at pagtitiwala.
Sa performance, 53 porsyento ang hindi aprub at 23% ang aprub kay Pang. Marcos habang 59% ang aprub at 16% hindi aprub kay VP Duterte.
Si VP Sara lang ang tumaas ang aprub sa performance, mula 52% sa 59% at hindi sina Pang. Marcos, Senate President Chiz Escudero at House Speaker Martin Romualdez
Sa pagtitiwala, si VP Duterte rin lang ang may malaking pagtaas ng grado mula sa 53% noong Pebrero sa 61% nitong Marso samantalang bumagsak kay Pang. Marcos mula sa 42% noong Pebrero sa 25% nitong Marso.
Nakita ring pinakamalaking problema ang kawalan ng kakayahan ng pamahalaan na kontrolin ang napakataas na presyo ng mga bilihin sa 69% at sumunod na rito ang pagtaas ng sahod, laban sa korapsyon, laban sa krimen at laban sa kahirapan.
MGA REAKSYON
Mula sa Malakanyang, may nagsabing bunga lang ng naglipanang fake news ang pagbagsak ng grado ni Pang. Marcos kaugnay ng Pulse Asia survey.
Ganito rin kaya sa OCTA survey?
Sinasabi rin ng ilan sa Malakanyang na hindi naman katumbas ng 2,400 respondents ang mahigit 100 milyong Pinoy, kaya pwedeng balewalain ang sarbey ng Pulse Asia?
Ganito rin kaya ang pananaw nila sa OCTA survey na may 1,200 respondents kumpara sa hindi natanong na mahigit 100 milyong Pinoy?
Kayo, mga Bro, ano ang masasabi ninyo?
Mayroon pa kayang susunod na katulad na mga sarbey dahil marami ang grupong gumagawa nito.
Hintayin na lang nating maglabas sila ng sarili nila at makita kung ano ang resulta.
Baka magiging baligtad naman ang lalabas na grado nina Pang. Bongbong at VP Sara.