Home OPINION TATTOO, MASAGWA SA MGA ALAGAD NG BATAS

TATTOO, MASAGWA SA MGA ALAGAD NG BATAS

SOPLA ang inabot ng isang epal na kongresista sa ginawang polisiya ng pamunuan ng Philippine National Police  na ipagbawal ang tattoo sa mga tauhan nito.

Ayon sa kongresista na hindi ko na babanggitin ang pangalan at baka sumikat pa, unconstitutional daw ang utos ng PNP boss na ipabura sa mga tauhan nito ang kanilang mga tattoo.

Ngunit ayon kay PNP spokesperson P/Col Jean Fajardo, may kapangyarihan ang hepe ng pulisya na ipatupad ang naturang polisiya na naaangkop sa mga tauhan ng organisasyon.

Alinsunod, aniya,  sa awtoridad ng PNP chief sa paggawa ng panuntunan, maaaring magpasa ng isang circular na may paggalang sa internal disciplinary mechanism na naaangkop lamang sa mga tauhan ng PNP.

Sinabi niya na ang memorandum circular na inilabas noong nakaraang buwan ay sumailalim sa mga konsultasyon bago ito naging polisiya.

Kailangan na ang lahat ng may tattoo na pulis na magbigay ng affidavit na nagdedeklara ng kanilang mga marka na nakikita para boluntaryong maalis.

Ang patakarang ito ng PNP ay hindi naglalayong idiskrimina ang mga pulis na may tattoo sa pagsasabing kailangan lang ng Pambansang Pulisya na maging mahigpit sa pagdidisiplina.

Sadya lang may pamantayan at pag-uugali na kailangang ipatupad sa loob ng PNP para mapanatili ang disiplina sa kanilang hanay.

O kongresman, diskarte naman pala sa pagdidisiplina ang utos ng PNP chief sa kanyang mga tauhan na huwag maglagay ng tattoo.

Kung gusto mo, ikaw na lang ang magpa-tattoo kahit hanggang sa kaselanan mo, wala kaming pakialam.

Totoo namang napakapangit at napakasagwa na makita ang isang pulis na may naglalakihang tattoo. Mukha kasi silang kriminal tingnan kaysa sa mga hinuhuli o hinahanap nilang kriminal.

Hayaan na natin ang tattoo sa mga taong walang magawa sa kanilang katawan. Hayaan na rin natin ang tattoo maging sa mga babaeng pati kanilang  maselang bahagi ay pinapatatuan kahit nasa harap ng camera. Trip nila yan, bahala sila sa buhay nila.

Pero huwag naman sa mga alagad ng batas na dapat lamang magmukhang kagalang-galang at hindi katatakutan.