SA pangyayaring malakas na lindol sa malaking bahagi ng Visayas at ilang bahagi ng Mindanao na ang naging sentro ay Cebu kamakailan, ay muli na namang usap-usapan ang tinatawag na “The Big One” sa Luzon na ang sentro ay maaaring sa Metro Manila at Southern Tagalog kung gumalaw ang Marikina Valley Fault.
Ang Marikina Valley Fault ay isang dominantly right-lateral strike-slip fault system sa Luzon. Ito ay nagsisimula sa Hilaga ng Doña Remedios Trinidad sa Bulacan na nagdudugtong naman sa mga lalawigan ng Rizal, mga lungsod sa Metro Manila kagaya ng Quezon, Pasig, Taguig, Muntinlupa na ang sentro ay sa Marikina at aabot pa Timog sa mga lalawigan ng Cavite at Laguna.
Ayon sa mga dalubhasa o eksperto sa lindol, maaaring umabot sa 50,000 ang masasawi kung mangyayari ang “The Big One” na ito.
Samantala, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang “The Big One” ay tinatayang nasa Magnitude 7.2, hindi 9 na haka-haka ng ibang masyadong “exage” (exaggerated) kung mag-analisa.
Para naman sa dagdag kaalaman, ang Magnitude 9 ay nangyayari lamang sa mga subduction zone, at hindi sa valley fault kagaya ng Marikina.
Kung inaakala ng marami na sa Marikina lamang may fault line ay nagkakamalli kayo sapagkat may iba pang fault line na dapat paghandaan katulad ng West Valley Fault ng halos buong Luzon, Eastern Philippine Fault, Central Leyte Fault, Cebu Fault, Davao – Cotabato Fault at iba pa.
Sakaling magsipag galawan ang mga ito ay malamang na daan-daang buhay ang makikitil at karamihan sa mga ito ay sa highly populated areas.
Ang artikulong ito ay hindi nananakot sa halip ay nagbibigay babala sa mga mamamayan na maging alerto sa bawat oras, araw at panahon sapagkat ang lindol ay nararapat na laging paghandaan upang maraming buhay at ari-arian ang hindi maapektuhan.
Laging manalangin sa Panginoong Diyos na huwag nawang mangyari ang pinangangambahang “The Big One” saan mang dako ng ating bansang Pilipinas.






