Home NATIONWIDE Tolentino-sponsored Sharia courts, aprub sa ikalawang pagbasa sa Senado

Tolentino-sponsored Sharia courts, aprub sa ikalawang pagbasa sa Senado

MANILA, Philippines – Sa gitna ng pagdiriwang ng Ramadan, inaprubahan ng Senado noong Martes (Marso 19) sa ikalawang pagbasa ang paglikha ng mga Shari’a court na binubuo ng tatlong karagdagang Shari’a District Courts at 12 Shari’a Circuit Courts.

Si Sen. Francis “Tol” Tolentino ang nag-isponsor at nagtanggol sa paglikha ng mga karagdagang Shari’a court sa ilalim ng Senate Bill 2594, Committee Report No. 2015.

Sinabi ni Tolentino na ang mga korte na ito ay magsisilbi sa lumalaking populasyon ng Muslim sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).

Sinusog ng SB 2594 ang Articles 138, 147, at 150 ng Presidential Decree No. 1083,  kilala bilang Code of Muslim Personal Laws of the Philippines.

Ipinaliwanag ni Tolentino na kailangan ng karagdagang mga korte ng Shari’a dahil sa paglipas ng panahon mula noong nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang PD 1083 noong Peb. 4, 1977, sa ebolusyon at paglikha ng batas ng Bangsamoro, at sa lumalawak na populasyon ng Muslim.

Limang Shari’a District Courts at 36 Shari’a Circuit Courts ang kasalukuyang matatagpuan sa BARMM.

Binanggit ng senador ang migration at immigration ng Filipino Muslims na dating nakakonsentra sa mga lugar ng Bangsamoro—ang Cotabato area at Zamboanga Peninsula—sa mga lugar na may populasyong Kristiyano tulad ng Metro Manila, Ilocos Region, Visayas, at sa Bicol Region bilang isa pang dahilan upang magdagdag ng mga korte ng Shari’a.

“The creation of additional courts would respond to the present needs of the time as well as the nudge coming from the Supreme Court in a decision promulgated on July 2023, in which the Supreme Court itself emphasized the need to strengthen Shari’a or Islamic Law by providing more access to the Shari’a Justice System in almost most parts of the Philippines,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Tolentino na ang mga korte ng Shari’a, ayon sa itinatadhana ng PD 1083, ay pinapayagan lamang tumanggap ng mga reklamo at duminig ng mga kaso sa ilalim ng mga personal na batas ng pananampalatayang Muslim.

“This would be limited to cases involving family relations and cases wherein the Islamic Law would be triggered—marriages, contracts involving a certain amount, petitions for custody, guardianship, paternity, legitimacy, petitions for the declaration of absence and debt, cancellation of correction of entries in the Muslim registries,” aniya na nagsasaad ng mga posibleng kaso na maaaring marinig ng mga korte ng Shari’a.

Ipinaliwanag pa ni Tolentino na ang mga Shari’a court, sa ilalim ng PD 1083, ay walang kinalaman sa mga kasong kriminal.  RNT

Previous articleBong Go: Giyera vs lumolobong kaso ng TB paigtingin
Next articleBabala ni Blinken sa pagpapagana ng PH-US Mutual Defense Treaty pinalagan ng Tsina