MATAGAL na ring problema ang isnaberong drivers. Bawat Christmas season. Iyan na ang madalas na reklamo ng mga pasahero. At kung sakaling magsakay man ay pangongontrata naman ang nangyayari o dagdag pasahe sa madaling salita.
Hindi naman nagkukulang sa paalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na huwag tumanggi o mangontrata ang mga taxi driver. At sa mga TNVS driver naman ay huwag mag cancel ng bookings.
Sa TNVS, iba ang pagkansela ng booking sa pagbalewala sa booking. Kapag nag-accept ng booking ang TNVS may kontrata na at dapat isakay ang pasahero. Pero kapag hindi naman nag-accept ang TNVS ano ang kontrata na ikakansel nila?
Matagal na rin hinihimok ng Department of Transportation ang mga pasaherong nabiktima na magreklamo. Pero bihira naman ito dahil magiging abala lang sa kanila ang magreklamo pa. Ang ilan ay gumagamit ng social media para ilabas ang galit sa drivers.
Sa kabilang banda naman ay sinasabi ng mga drayber na luging-lugi sila pag sobrang traffic. Hanapbuhay nila ito at syempre mas gusto nila kumita ng tama para sa pamilya nila.
Pero ang matinding traffic ba ay katwiran para tanggihan ang pasahero? Sa taxi ay may tinatawag ng singil sa waiting time. Sa TNVS may surge — ito ang pambawi ng mga drivers sa traffic.
Tama. Pero dapat din natin tingnan kung anong klaseng traffic ang nirarason ng mga drayber tulad kapag may “carmageddon” na grabe ang trapik na ang dating kinse minuto na travel time ay naging apat na oras, o may mga trapik din na dahil sa natural causes tulad ng malalim na baha o kaya naman may aksidente sa dadaanan.
Sa tingin ng Lawyers for Commuter Safety and Protection ay maaaring tumanggi ang taxi driver kapag ganito. Sa tingin ng inyong lingkod ay hindi makokober ng waiting time ito.
Mayroon din naman pagkakataon na kung sa tingin ng drayber ay mapapahamak siya ay maaari niya tanggihan ang pasahero. Tulad ng mga lasing na pasahero. O di kaya delikado ang lugar na paghahatiran. O, kaya labas sa ruta niya (NCR taxi lang ay hindi to anypoint of luzon)
Tiwala ang LCSP sa pamumuno ni Chairman Atty. Vigor Mendoza na mababalanse ng LTFRB ang pangangailangan ng mga pasahero at hanapbuhay ng mga drayber.






