MAY lindol na naganap sa Japan kahapon ng tanghali.
Magnitude 7.5 at nagpapasalamat lahat dahil nagmula ito sa lalim na 50 kilometro.
Kung naging mababaw lang ito, halimbawa, nasa 10 kilometro lang, ewan ko lang kung ano ang nangyari.
Tingnan ninyo ang magnitude 6.9 lamang na lindol sa Cebu nitong nakaraang Setyembre 30, 2025.
Grabe ang mga giniba nito na tahanan, ibang gusali at simbahan, imprastraktura at iba pa sa Cebu at ilang karatig na lalawigan dahil nasa 10 kilometro lang ang bitak ng lupa sa ilalim na pinagmulan nito.
Sa Cebu, may 79 namatay habang may 1,271 na nasugatan.
Sa Japan, habang tinitipa natin ito, mga Bro, may mga iniulat nang sugatan ngunit wala pang nasasawi.
Mas maswerte lang siguro sa Japan, lalo na kung walang pag-ulan na susunod.
Sa Cebu, makaraan lang ng isang buwan, tinamaan sila ng bagyong Tino at napakarami ang namatay karamihan sa lunod.
May 150 ang namatay sa Cebu mula sa sa nasa 269 namatay sa buong Kabisayaan at lugar na tinamaan ng bagyo.
Kung magsama ang lindol at bagyo, mapadadasal ka nang husto.
Kahit hindi ka naniniwala sa Diyos.
“God save us…if there is God!” ang iniiyak ng iba at maaaring matulad ka rito habang lumilindol at nagigiba o nagbibitak ang mga lupa sa paligid, gaya ng nangyari sa Cebu.
At alam ba ninyong matutumba at hindi makatayo ang taong tinatamaan ng magnitude 7.6 pataas?
MAGHANDA LAGI
Ngayon naman, nasaan nga pala ang mga paghahanda natin laban sa The Big One na inaasahang nasa magnitude 7.2?
Muli, sinasabi ng mga tumatantiya na kung mangyayari sa gabi ang lindol na ito na tatama mula Bulacan, Metro Manila hanggang Cavite at Laguna, may mamamatay na nasa 30,000-50,000 at higit pa rito ang masusugatan.
Iba pa ang masasawing tinatayang nasa 100,000 na dadaluhungin ng baha mula sa 30 metrong ragasa ng tubig ng Angat Dam sakaling magiba ito.
Magigiba ang marurupok na gusali at lalong magbibitak ang mga lupa na bitak na sa iba’t ibang lugar, lalo na sa Metro Manila.
Paano kung manggagaling ang lindol sa mababaw na paggalaw ng bitak ng lupa at lalong higit na malakas ang pagyanig ng lupa?
Nasaan ang mga paghahanda ng mga ospital para sa mga magiging biktima, ang mga evacuation center, ang mga posibleng sunog, ang mga search and rescue, ang pagpapakain sa libo-libong surbaybor na matagal bago magkaroon ng hanapbuhay at masisilungan at para sa rehabilitasyon?
Sa Cebu, umabot sa mahigit P23 bilyon ang nasirang mga ari-arian.
Umabot sa bilyon-bilyong halaga na mahigit dito ang mga kikbak ng mga korap sa mga flood control project lamang, nasaan ang mga inihahandang pondo para sa mga magiging biktima ng lindol?
Bilang pagbabalik-tanaw sa tunay na pangyayari, nasaan ang mga pondong pambangon sa buhay mula sa krisis ang mga nilindol sa Cebu at mga nabagyo na rin, kasama ang mga taga-Masbate?






