Home NATIONWIDE Transport group muling umapela vs pagpapatibay ng SC sa PUVMP

Transport group muling umapela vs pagpapatibay ng SC sa PUVMP

MANILA, Philippines- Hiniling ng grupo ng mga drivers at operators sa Supreme Court (SC) na muli nitong ikonsidera ang desisyon na ibasura ang kanilang petisyon laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sa inihaing motion for reconsideration, nais ng Bayyo Association, Inc., sa pamamagitan ng presidente nitong si Anselmo Perweg, na katigan ang kanilang petisyon at ideklarang labag sa batas ang paragraph 5.2 ng Department Order No. 2017-011 ng Department of Transportation na nagbibigay-daan para ipatupad ang PUVMP.

Iginiit ng grupo na mayroon silang legal standing para ihain ang petisyon dahil kinakatawan nila ang sektor na maaapektuhan sa sandaling maipatupad ang jeepney modernization.

Nakiusap rin ang Bayyo sa SC na maging maluwag sa usapin ng pagkakaroon ng legal standing.

Iginiit ng petitioner na mayroon silang legal na karapatan na maghain ng petisyon dahil sila ay lehitimong asosasyon ng jeepney operators at drivers.

Una nang ibinasura ng SC ang kanilang petisyon dahil sa kawalan ng legal standing at dahil sa paglabag sa hierarchy of courts.

Iginiit ng Bayyo na ang direktang pag-apela nila sa Korte Suprema ay nararapat dahil ang isyu ay ang legalidad ng isang department order.

Magugunita na layunin ng PUVMP na palitan ang jeepneys ng mga sasakyan na may Euro 4-compliant engine upang mabawasan ang polusyon at palitan na ang mga karag-karag na PUV. Teresa Tavares

Previous articlePaglakas ng US-PH defense ties pinuri ni Blinken
Next articleOperasyon ng ilang MRT-3 stations tuloy sa Holy Week