Home OPINION TRAVEL TAX ABOLITION: PAMPALUBAG LOOB?

TRAVEL TAX ABOLITION: PAMPALUBAG LOOB?

167
0

UMARANGKADA sa House Committee on Tourism ang panukalang alisin ang travel tax, sa pangunguna ni Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona, kabilang ang House Bill No. 7443 na inihain ni Ilocos Norte Rep. at House Majority Leader Sandro Marcos. Isinusulong ito bilang hakbang para pasiglahin ang turismo at pagaanin ang gastos ng mga biyahero.

Sa unang tingin, madaling ibenta ang panukala. Sino nga ba ang tatangging mabawasan ang bayarin sa eroplano? Sa kasalukuyan, ₱2,700 ang travel tax para sa first-class passengers at ₱1,620 para sa economy travelers. Ngunit sa likod ng kaginhawaan sa pasahero ay may katumbas na mabigat na tanong sa pananalapi ng gobyerno.

Umaasa ang TIEZA (Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority) sa travel tax para sa 90 porsyento ng operating budget nito. Ayon kay COO Mark Lapid, daan-daang empleyado ang maaaring maapektuhan kung hindi agad mapapalitan ang pondo.

Sa panig ng Commission on Higher Education, 85.6 porsyento ng Higher Education Development Fund ay mula rin dito. Ang National Commission for Culture and the Arts ay tumatanggap ng hanggang ₱700 milyon taon-taon mula sa koleksyong ito.

Tinatayang ₱8 bilyon ang mawawala sa kita ng pamahalaan. Bagama’t may pahayag na mababawi ito sa loob ng 18 buwan at maaari pang kumita ng ₱22 bilyon dahil sa paglago ng turismo, nananatiling proteksyon ang mga numerong ito. Ang agarang pagkawala ng tiyak na pondo kapalit ng inaasahang kita ay isang mataas na panganib, lalo na kung ang maaapektuhan ay edukasyon, kultura at imprastraktura ng turismo.

Priority measure ito ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. at tiniyak na ilalaan na lamang sa ilalim ng General Appropriations Act ang pondo ng mga apektadong ahensya. Subalit ang GAA ay taunang proseso na dumaraan sa pulitika at kompetisyon sa badyet.

Ang tunay na usapin ay hindi lamang kung makakatulong ito sa turismo. Ang mas mahalagang tanong ay kung ang panukala ba ay pangmatagalang reporma o panandaliang hakbang na kaaya-ayang pakinggan ngunit may kapalit na mas malalim na butas sa kaban ng bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here