Home OPINION TROLL CREATOR DAPAT MANAGOT

TROLL CREATOR DAPAT MANAGOT

SABI ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga mamamayan, “Ang tama ay tama, ang mali ay mali!”

Kaya naman, hinamon ni dating Pasig City Councilor Atty. Christian Sia ang alkalde ng lungsod ng Pasig na iharap sa kanyang nasasakupan at kasuhan ang nagsasagawa ng internet troll mula sa Office of the City Administrator.

Sinasabi ni Sia, kandidatong Representative ng Pasig City, ang iligal na gawain ay mula sa isang Philippe Camposano, executive assistant sa tanggapan ng CA, na siyang nasa likod ng operasyon ng “troll army” na umaatake sa mga ni Sotto simula pa noong 2019 hanggang sa kasalukuyan.

Iginiit pa ng abogado na hindi dapat pagbitiwin sa trabaho ang troll army leader sapagkat hindi makukuha ng mga tao ang katarungan na dapat matanggap ng mga Pasigueño.

Dapat nga ring managot si Sotto sa taumbayan at dapat sagutin nito kung kanino nanggagaling ang pondo ni Camposano para sa troll operation, ayon kay Sia.

Pahayag pa ng dating konsehal, ayaw umano ni Sotto sa luma at maruming istilo ng pamumulitika pero siya ay may sariling troll na nasa bakuran ng city hall.

Inakusahan pa nito ang alkalde na nasa ikalawang termino ngayon nang pagpapasa ng dumi nito sa iba o sa pagiging trapo na rin nito.

Giit pa ng kandidatong mambababatas sa Pasig na ang mga binibira ng troll ng city hall ay ang mga kumukwestyon sa liderato ni Sotto.

Hinala ng mga kalaban ni Sotto sa pulitika na ang perang gamit sa troll ay milyong piso bawat buwan at galing naman sa buwis na ibinabayad ng taumbayan.

Kasuhan dapat ang troll army creator na ito na hindi naman residente ng Pasig pero direkta at labas-masok sa 8th floor, dagdag pa ni Sia.

Bukas ang Juan de Sabog para sa sagot ni Mayor Sotto sa akusasyon sa kanya kaugnay sa troll army ng city hall.