Nakaalis na sa bansa nitong Hulyo ang sinibak na si Bamban Mayor Alice Guo, na kilala rin bilang Guo Hua Ping, tinakasan ang batas na nag-uugnay sa kanya sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Nakapanlulumo ito para sa mga mambabatas na gigil na mapanagot siya sa batas sa unang araw pa lang ng pagdinig kaugnay ng naglalawakang compounds na nagsilbing safe haven para sa sari-saring iligal na aktibidad at pasaway na dayuhan.
At pagkatapos makumpirma ng mga awtoridad na nakatakas na nga siya, pumasok ang Malacañang at ipinag-utos sa Department of Foreign Affairs na kanselahin ang kanyang pasaporte.
Ito ‘yung tinatawag na “perfect timing!” Ngayon lang talaga umaksiyon at naisip iyon? Wow!
May Mananagot
Gaya nang inaasahan, iginigiit ng mga mambabatas na tukuyin at ibunyag ng gobyerno kung sino ang tumulong kay Guo na makaalis ng bansa. Gayunman, hindi na ito dapat maging misteryo. Hindi naman basta na lang makakaalis ng bansa si Guo kung walang tumulong sa kanya rito.
Dapat na may managot, at hindi lamang basta sibakin sa serbisyo ang mga sangkot; dapat silang makulong. Simple ang mensahe: tablahin mo ang tiwala ng publiko, at higit pa sa trabaho mo ang kapalit nito. Gawin natin itong aral na hindi na uulitin ng kahit sino pa man.
Ang tapang ni Zambales Representative Jefferson Khonghun sa paninisi sa Bureau of Immigration. Sinabi niyang maraming kailangang ipaliwanag ang BI ngayong hindi na mahagilap ng mga awtoridad si Guo.
Fierce Femmes
Humarap si Vice President Sara Duterte-Carpio sa Senado upang bigyang-katwiran ang budget ng Department of Education, pero naging agaw-pansin ang kanyang P10-million book project.
Nang usisain ni Sen. Risa Hontiveros, pumalag si Duterte, iginiit na pinupulitika raw ang usapin sa halip na sagutin ang mga simpleng katanungan tungkol sa librong kanyang isinulat.
Ito rin ang parehong opisyal na nagwaldas ng P125 milyon halaga ng confidential funds sa loob ng 11 araw at humingi pa ng karagdagang P500 milyon para sa 2023.
Hindi na itinatago ang mistulang pagtrato ni Inday Sara sa pera ng taumbayan bilang personal niyang pondo. Kaya naman halata ang pag-iwas niya sa pagdinig at ipinipilit na lang na pinupulitika ni Hontiveros ang tungkol sa kanyang budget.
Nice try, Sara. Pero ang taumbayan — na hindi na tinatablan ng gayuma ng kamay na bakal ng mga Duterte — ay malinaw na ngayong nakikita ang lahat ng kailangan nilang makita.
* * *
SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.