ALAM kaya ng matataas na opisyal ng pamahalaan na sobrang umiiyak na ang higit na nakararami sa hirap sa buhay?
Alam din kaya nila na naghihirap din maging ang buong bansa?
Higit pa, alam kaya nila na kabilang sa mga pangunahing dahilan ng mga paghihirap ng mga mamamayan at pagbansot ng ekonomiya ng bansa ay kagagawan nila?
PRESYONG SOBRANG TAAS
Nagmahal na lahat ang mga bilihin at lalong magmamahal dahil sa paparating na Kapaskuhan.
Sumbong o kwento ng mga namamalengke, ang 8 tangkay ng sitaw ay P80 at ang isang pirasong siling malaki na pampakbet, P10?
Ang isdang dagat, nasa P400-P550 gaya ng mga galunggong at espada, maging ang bangus at tilapiang Batangas.
Ang karneng manok, nasa P200 na kada kilo habang nasa P400 ang karneng baboy.
Sardinas at iba pang mga delata at mami na lang ang apordabol kahit nagmahal na rin ang mga ito.
Ang puto at kutsina na dating tig-P2 bawat piraso, P5 na ang dalawa at lumiit pa ang size at ang pandesal na P2, nanatili pero lumiit na o kaya’y nagiging ampaw.
May bigas namang P20 kada kilo pero bibihirang umaabot at tuloy-tuloy sa higit na nakararami habang mabibili karaniwan ang nasa P40 bawat kilo.
Zero billing man ang Malasakit Center sa mga maysakit, ang nireresetang mga gamot, napakamamahal naman.
Suwerte lang ang mga sakop ng mayayamang lungsod gaya ng Maynila, Makati, Quezon City, Pasay City at iba pa, may mga palibre sa mga bata na mga kagamitan pero ang higit na nakararami, bumibili ng nagmahal na ring ng kagamitan, pwera pa ang mataas na ring pamasahe sa traysikel.
MATUMAL NA NEGOSYO
Dahil sa katitipid ng mga mamamayan dahil sa kakulangan sa kita o sahod, naging matumal naman ang mga negosyong gumagawa at nagtitinda ng mga produkto mula sa pagkain hanggang sa mga kailangan sa iskul at paggawa ng bahay.
Ang nakakikilabot pa, mga Bro, halos wala nang pumapasok na mga negosyanteng dayuhan sa bansa, maging ang pagbili nila ng mga stock o sapi ng mga kompanya rito sa Pinas.
May takot o walang tiwala ang mga dayuhan na magtayo ng negosyo o bumili ng mga sapi o stock ng mga kompanyang nasa Pinas sa takot na sila’y malugi.
Dahil sa mahinang negosyo, nawawalan din ng mapapasukan at pagkakitaan ang milyong obrero.
MATINDING KORAPSYON
Pinakamalaking kinatatakutan ng mga negosyante, dayuhan man o lokal, ang matinding korapsyon sa anyong kikbak at kotong na kanilang ikinalulugi.
Dahil pa sa korapsyon, ititigil din ng gobyerno ang malalaking proyektong imprastraktura na makasasama at ikawawalan ng mapapasukan ng mga obrero at ikatutumal ng mga maliit na negosyo gaya ng mga karinderya at sarik-sari store.
Kaugnay nito, matumal na nga ang negosyo, kinatatakutan din ang walang habas na paniningil ng buwis nang may mga pangongotong.
Saan kaya tayo patutungo sa ilalim ng lahat ng kamalasang ito?






