Home OPINION USAPANG PANGKAPAYAPAAN HANGGANG SAAN AABOT?

USAPANG PANGKAPAYAPAAN HANGGANG SAAN AABOT?

NAPAKABILIS ang mga pangyayari ukol sa mga hakbang patungo sa usapang pagkakasundo at pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaang Marcos at mga rebeldeng komunista.

Naunang naglabas si Pangulong Bongbong Marcos ng kautusan para sa amnestiya o pagpapatawad sa mga may kasalanang politikal ng mga rebelde, pwera lang ang mga may kasong kriminal at terorismo.

Sakop din ang amnestiya ang iba pang mga rebeldeng grupo.

Matapos ang ilang araw, pumirma naman ang mga kinatawan ng pamahalaan at ng National Democrtatic Front para sa usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway.

Pero sa kabila ng mga pangyayaring ito, naririyan pa rin ang mga bakbakan o patayan sa pagitan ng mga pwersang pamahalaan at sari-saring rebelde, kasama ang New People’s Army at Partisano nito.

Pangkabuuang kapayapaan at pagkakasundo ang hangarin ng pamahalaan dahil parang tinik nga naman sa lalamunan ang pagkakaroon ng mga gyera sa buong bansa.

Hindi maitodo nang lahat ang nais nilang mangyari para maging malusog ang bansa at makahakbang tungo sa maunlad at mapayapang sambayanan dahil sagabal o harang ang mga gyera.

Halimbawa, napakayaman ang kalupaan natin sa kanayunan at kabundukan subalit hindi napagyayaman ang mga ito dahil diyan nagaganap ang mga giyera at “no man’s land”.

Hindi naman makabuwelo ang mga negosyante dahil bago sila makapagnegosyo riyan, katakot-takot na buwis-rebelde ang kanilang kinahaharap. Kapag hindi ka magbigay, sunog makinarya at kidnap-for-ransom ang aabutin mo.

Bago ka makapagnegosyo, lugi at naperwisyo ka na, kaya stop negosyo ka.

Maging sa kalunsuran, may mga nagsasarang negosyo o pabrika na bunga nang hindi pagkakasundo at mga strike at lockout.

At isang masaklap na usapin ang paghinto ng mga kabataan sa kanilang pag-aaral, humawak ng armas at sumali sa mga rebolusyon o kaya’y terorismo.

Sa pagitan lang ng NPA at sundalo simula noong 1969, mahigit 50,000 na ang namamatay, pwera pa ang mga nabalda.

Ang maganda, humupa na ang mga rebelyong Muslim sa pagkilos para rito ni dating Pangulong Digong at kung madaragdag dito ang rebelyong komunista at iba, eh, maganda at mabuti para sa lahat sa ilalim naman ni Pang. Bongbong.

Previous articleGADON HAILS COMELEC DECISION DISQUALIFYING SMARTMATIC
Next articleLotto Draw Result as of | December 1, 2023