SA ginanap na general assembly ng National Press Club of the Philippines noong Mayo 3, 2026, muling nabuksan ang isang sensitibo ngunit napapanahong usapin. Naging isyu kasi ang posibilidad na pagtanggap sa aplikasyon ng mga vlogger bilang regular member ng organisasyon. Bagama’t nakabinbin pa rin ang usapin dahil sa oposisyon ng ilang miyembro, malinaw na kinikilala ng NPC ang mabilis na pagbabago ng media landscape, kung saan ang digital content creators ay may malaking impluwensya sa publiko.
Hindi maikakaila ang bentahe ng vlogger sa samahan. Sa panahon ng digital age, ang mga vlogger ay maaaring magpalawak sa saklaw ng NPC. Magbibigay sila ng mas malawak na audience reach, at magpapalakas sa adaptability ng organisasyon sa bagong anyo ng pamamahayag. Maaari rin nitong hikayatin ang mas batang henerasyon na pahalagahan ang responsableng media practice.
Ngunit may kaakibat ding panganib. Ang kakulangan sa pormal na training ng ilan, posibilidad ng bias o agenda-driven content, at ang kultura ng “virality over accuracy” ay maaaring makasira sa kredibilidad ng organisasyon. Kung hindi maayos ang regulasyon, maaaring malusaw ang linya sa pagitan ng propesyonal na mamamahayag at influencer.
Kung sakaling magbukas ang pintuan sa pagtanggap, ilan sa ating imumungkahi bilang director ng NPC ay ang pagkakaroon ng requirement na hindi bababa sa isang taong karanasan bilang contributor o scooper vlog sa isang lehitimong media entity. Layunin nitong tiyakin na ang aplikante ay dumaan sa proseso ng editorial discipline at fact-checking. Ibig sabihin, magsisilbing accountable hindi lamang ang vlogger kundi pati na rin ang media entity na kanyang kinabibilangan. Dagdag pa rito ang 40 oras na training sa journalism—isang hakbang na sinusuportahan din ng ilang eksperto upang matiyak ang kalidad at etika ng mga vlogger. Kailangang consistent, may journalism value, accurate at fair para sa public interest ang nilalaman ng bawat content.
Nararapat ding idagdag ang iba pang requirements tulad ng pagsunod sa Journalist’s Code of Ethics ng NPC, malinaw na disclosure ng sponsorships o political affiliations, continuous screening sa regular na publication o content output, at background check upang maiwasan ang pagpasok ng mga nagpapakalat ng disinformation.
Ang hamon ay hindi lamang usapin kung tatanggapin sa NPC ang vlogger, kundi kung paano sila huhubugin upang maging tunay na bahagi ng media. Ang desisyong ito ay hindi simpleng pagbubukas ng pinto—ito ay pagsubok sa paninindigan ng industriya at traditional media sa responsable at malayang pamamahayag.
∞∞∞
Hatid natin ang pasasalamat sa lahat ng sumuporta para sa pangalawang pagkakataong pagkaluklok sa atin bilang direktor. Gayundin ang pagbati kay Press Freedom Party Chairman at NPC Vice President Benny Antiporda, President-elect Mina Navarro at iba pang nahalal na opisyales sa katatapos na biennial election ng National Press Club. Mabuhay ang NPC.






