Home HOME BANNER STORY Walang hagip na Pinoy sa pagguho ng tulay sa Baltimore – DFA

Walang hagip na Pinoy sa pagguho ng tulay sa Baltimore – DFA

NEW YORK – Walang nasugatan na Pilipino sa naiulat na pagguho ng Francis Scott Key Bridge sa Baltimore, ayon sa Philippine Embassy sa Washington DC.

Sinabi ni Consul Mark Dominic Lim sa isang ulat na wala silang natatanggap na ulat tungkol sa sinumang Pilipinong naapektuhan ng insidente.

“Mahigpit na binabantayan ng Embassy of the Philippines sa Washington, D.C. ang sitwasyon kasunod ng pagguho ng Francis Scott Key Bridge sa Baltimore, Maryland, kaninang araw. As of 10:45 AM (US Eastern Time), walang Filipino citizen sa tulay o ang barko ay iniulat na nasugatan o namatay sa insidente,” ani Lim.

Inaalam din ng Embahada ang posibleng presensya ng mga tripulante ng mga Pinoy na sakay ng Singaporean cargo ship na bumangga sa tulay.

Ang Maryland at Baltimore ay inilagay sa ilalim ng state of emergency habang patuloy ang paghahanap at pagsagip sa mga nawawalang biktima.

Nangangamba ang mga awtoridad sa Baltimore na baka namatay ang anim na construction worker na nag-aayos ng mga lubak at nahulog sa Patapsco River nang gumuho ang tulay.

Inihayag ng mga inisyal na pagsisiyasat na nagpadala ang barko ng distress call, na nag-udyok sa pagsasara ng tulay bago ito bumangga sa istraktura nito.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang National Transportation Safety Board para matukoy kung ano ang nangyari sa barko.

Ang Federal Bureau of Investigation ay nagpahayag na ang insidente ay walang kaugnayan sa terorismo. RNT

Previous article54 bus sasaklolo sa commuters sa pagsasara ng LRT-1
Next articleNumber coding scheme sa Baguio tuloy sa Semana Santa