Home OPINION 3 OFW PATAY SA SUNOG; PAANO SA BARKO?

3 OFW PATAY SA SUNOG; PAANO SA BARKO?

DAPAT pangalagaan nang husto ang mga overseas Filipino worker natin.

Lalo na ang mga dinaratnan ng mga disgrasya.

Tatlong magkasabay na pangyayari ang naganap o nagaganap na ikinapapahamak ng ating mga OFW.

3 OFW PATAY SA SUNOG

Sa Kuwait, mga Bro, tatlong OFW ang nasawi sa sunog sa high rise building na kanilang tinitirhan.

Habang tinitipa ito, kasama na ang 3 OFW sa 52 na nasawi, at kasalukuyan pang nagsasagawa ng search and rescue operations ang mga awtoridad at hanapin kung meron pang ibang mga biktima.

Habang namatay ang ilan sa apoy, marami umano sa mga nasawi ang na-suffocate o hindi nakahinga dahil sa usok at ang ilan, maaaring sa stampede

Dapat agarang ayuda sa kalagayan ng mga nasawi at nasugatan ang dapat gawin ng mga awtoridad.

Isama na rin dapat ang pag-ayuda sa mga pamilya ng mga biktima sa Pilipinas.

Overseas Workers Welfare Adminstration Administrator Arnell Ignacio at Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, mga sir, inaasahan ang inyong lubos na pag-aasikaso sa mga OFW na nasawi at nasa panganib.

Muli, ang kanilang mga pamilya, huwag kalilimutang isabay sa inyong mga pag-aalaga.

LUMULUBOG  NA BARKO

Sa huling balita, pinasok na ng tubig ang isang barko na pinasabugan ng sea drone ng mga Houthi sa Red Sea.

Tutor ang ngalan ng barko na may bandilang Liberia at matindi umano ang tama mula sa malakas na bomba na dala-dala ng sea drone.

Naligtas umano ang mga crew mula sa barko na maaari umanong lumubog.

Tanong: Meron na bang balita kung merong Pinoy seamen na biktima?

Sana naman, wala.

Pero kung meron, muli, agarang tulong ng DMW at OWWA ang ating inaasahan.

4 BARKO INATAKE

Sa nakaraang isang linggo, bale apat nang barko, kasama ang Tutor, ang inatake ng mga Houthi.

Dalawa sa mga ito ang nagkasunog ngunit naapula ang mga apoy at nagpatuloy sila sa kanilang biyahe.

Lahat tatlong barko, tinamaan ng missile habang naglalayag sa Gulf of Aden.

Wala tayong balita kung may mga Pinoy na crew sa mga ito.

Pero sakaling mayroon, nanganib din ang kanilang buhay.

Alalahaning may dalawa nang Pinoy ang namatay sa na-missile nilang barko na True Confidence.

Agad lumiyab ang parte ng barko na roon tumama ang missile at hindi na sila nakaalis roon hanggang lamunin sila ng apoy.

MGA NASA ISRAEL AT LEBANON

Tumitindi ang giyera sa pagitan ng  Hezbollah at Israel.

Sa Lebanon, tinatayang may mahigit sa 33,000 na OFW at sa Israel, 30,000.

Araw-araw nanganganib ang buhay at hanapbuhay ng mga OFW na ito.

Alalahanin kung bumomba ang Israel, lahat ng gusali nagigiba at walang natitira at napakarami ang namamatay, gaya ng halos 37,000 Palestino sa Gaza Strip.

Ang mga missile naman ng Hezbollah, nararating na ang malaking bahagi ng Israel.

At may mga missile at rocket ding pinakakawalan ng mga Hamas mula sa Gaza Strip.

Gaano na ba kalaki ang mga paghahanda para sa pagbabakwit nang maramihan sakaling sasabog nang husto ang giyera sa mga ito?

At para sa mga mamamatay at masusugatan, paano?

Paano ang kanilang mga pamilya rito sa Pilipinas?