Home OPINION PAG-ASA AT MGA GUBAT

PAG-ASA AT MGA GUBAT

NAKILAHOK ang Pilipinas sa pagdiriwang ng “International Day of Forests” o “Pandaigdigang Araw ng mga Kagubatan” noong Mar. 21, 2024. Kumbinsido ako na napakahalaga ng papel at ambag ng mga gubat sa isang mabuti at maayos na pamumuhay nating mga tao sa planetang ito.

Tama nga na pinangungunahan ng United Nations ang taunang paggunita ng Araw ng mga Kagubatan.

Tinatayang halos sampung milyong ektarya ng gubat ang nawawala o nauubos taun-taon. Ang teknikal na termino ay “deforestation”. Kasama na rito ang halos pitumpung milyong ektarya ng gubat na nasusunog o apektado ng forest fires. Medyo nakakatakot ang mga numerong ito, kasi napakalaki ng serbisyo o kabutihang ibinibigay sa atin ng mga gubat.

Lampas kalahati ng ‘global carbon stock’ ang hinahawakan ng mga kalupaan at mga halaman at puno na karamihan ay nasa mga gubat. Halos 80% ng mga amphibian (mga pamilya ng mga palaka, butiki, ahas, uod at iba pa) ay nakatira sa mga gubat. Ang mga watershed o palatubigan at mga wetland ang pinagkukuhanan ng 75% ng malinis na tubig. Mahigit 30% ng mga bagong sakit ay kinikilalang dahil sa pagbabago ng gamit ng lupa, kasama na ang “deforestation”.

Kaya walang duda, dapat ay pangalagaan at padamihin o dagdagan pa nga ang mga gubat natin, lalo na tayong mga bansa na nasa “equator” o mga torpical countries.

Nakadidismaya ang mga balita na ang natitira nating mga gubat ay malawak at mabilis na nasisira ng mga “development projects”. Pumutok ang balita tungkol sa illegal resorts sa Chocoloate Hills at ang mga lugar na ito ay naka-kategoryang “forest lands” at protected status, ayon na rin sa Department of Environment and Natural Resources. Mas malapit sa Metro Manila ang Masungi Georeserve Protected Landscape na napakarami ring kaso ng illegal structures tulad ng mga illegal resort din.

Patuloy pa rin ang mga protesta ng mga tao laban sa pagmimina sa mga gubat ng Sibuyan Island sa Romblon at sa Mt. Matalingahan sa Southern Palawan.

Umaasa ako na kikilos ang DENR at mga lokal na pamahalaan para maseguro na meron pang mga gubat na dadatnan at pakikinabangan ang mga susunod na henerasyon nating mga Pilipino.

Previous articleCL COPS, EX-LEFTISTS MAGKATUWANG NA SA MITHIING KAPAYAPAAN
Next articleMGA PUMATAY PINATAY RIN