Home OPINION MGA PUMATAY PINATAY RIN

MGA PUMATAY PINATAY RIN

BUHAY na buhay ang droga sa Pinas: Shabu, marijuana, cocaine, ecstacy at iba pa.

Mula sa Luzon hanggang sa Visayas at Minadanao ‘yan.

Hindi maitatanggi ito lalo’t ang gobyernong Marcos mismo ang umaamin sa grabeng kalagayan ng bawal na gamot sa bansa.

Ayon kay Philippine National Police chief Benjamin Acorda, noong Disyembre 2020 hanggang Hunyo 2022, nakasamsam ang pulisya, kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency, Bureau of Customs, National Bureau of Invetigation at iba pa ng 5,472.21 kilong sari-saring droga.

 Pero, anak ng tokwa, nang umupo si Pangulong Bongbong Marcos noong Hulyo 2022 hanggang Enero 2024, umabot na sa  10,324.61 kilo ang droga.

Kasama sa mga nakumpiska halos ang isang toneladang droga sa kamay ng mga pulis na kinatawan ni M/Sgt. Rodolfo Mayo Jr. ngunit kinasangkutan pala ng ilang heneral at koronel na pulis na nasibak na sa tungkulin.

Naitago ang nasabing droga sa mata noon ni Pangulong Digong Duterte na mabagsik na nagdaos ng giyera sa droga.

Ngayon, sinasabing nagdoble ang nahuling droga sa panahon ni Pangulong Bongbong kumpara sa panahon ni Pang. Digong.

Tanong: Paano naman kaya ang mga hindi nahuhuli na pinagmumulan ngayon ng sandamakmak na nahuhuli?

Bakit muling nabuhay ngayon ang mga patay na kumbaga sa nakaraang panahon?

PINAGPAPATAY

Tunay na kwento ang pagiging mabagsik ng droga.

Kabilang sa mga biktima ang mga opisyal ng pamahalaan na lumalaban mismo sa droga.

Sa rekord, sa isang rehiyon lang, dalawang mayor at isang kandidatong mayor ang pinatay.

Nga pala, sa bansang Ecuador ito nagaganap na 10,000 na ang inaaresto sa pagkakasangkot sa droga na nauugnay sa mga murder, massacre at iba pa.

Pinakahuling minarder ang pinakabatang mayor na si Brigitte Garcia sa San Vicente sa rehiyon ng Manabi nitong mga nagdaang araw lamang.

Nauna rito si Mayor Agustin Intriago ng bayan ng Manta na pinatay nitong Hulyo 2023.

Pebrero 23, 2023 naman nang patayin si mayoralty candidate Omar Menedrez sa Puerto Lopez City.

Nabuwisit si bagong President Daniel Noboa sa paghahari-harian sa buong Ecuador ng mga kartel sa droga kaya nagdeklara siya ng state of emergency para makalos ang mga sangkot sa droga na sumisira sa kanyang bansa.

MGA PUMATAY PINAGPAPATAY

Sa Ecuador pa rin, ang karibal ni Noboa na si Fernando Villavicencio ay pinatay mismo sa Quito nitong Agosto 2023.

Pinatay siya sa utos ng mga druglord ng kartel na Los Lobos na konektado sa Jalisco New Generation cartel sa Mexico.

Nakakulong ang mga druglord ngunit napanatili nila ang kanilang kapangyarihan sa loob at labas ng kulungan at naging biktima nila si Villavicencio.

Sa mismong oras ng pagpatay sa kanya, namatay ang isang suspek at kalaunan, nahuli ang iba pang mga suspek na pawang dayuhang Colombian.

Habang nasa kustodya ng mga awtoridad ang mga killer, basta pinagpapatay rin sila.

Kung ano ang dahilan, hindi na makapagsasaksi pa ang patay.

Kapag nabuhay sila, nagkandadamay-damay ang iba pa?

SA PINAS KAYA?

Parang nagsusulputang kabute ang droga sa Pinas ngayon.

Posible bang maging Ecuador ang Pinas o babalik sa dating kalagayan noong panahon ni Pang. Digong kaya nagkaroon ng giyera sa droga?

Ngayong Semana Santa, sana’y magdasal ang lahat na huwag nang manalasa muli ang droga na nagbunga noon at nagbubunga hanggang ngayon ng mga patayan.

Previous articlePAG-ASA AT MGA GUBAT
Next articleLagay ng panahon ngayong Semana Santa, alamin