HINDI kailanman malilimutan ng mga Pinoy ang pelikula ni FPJ o Fernando Poe Jr. na may tatak na Kapag Puno na ang Salop noong 1987 na may karugtong na pinamagatang Kapag Puno na ang Salop, Ako ang Huhusga noong 1989.
Sa kabuuan sa mga sa pelikulang iyon, sinabi ni FPJ na kapag Puno na ang Salop, kinakalos na ito.
Kinalos ni FPJ ang salop sa anyo ng pagpapakulong at pagpatay kay Judge Eddie Garcia na napatunayang rapist, mang-aagaw ng lupa at drug lord na ikinasira ng mga mamamayan at gobyerno.
Sa simpleng salita, kapag sumobra na ang korapsyon, pagmamalabis sa tungkulin at pagiging kriminal ng mga awtoridad, mayroon silang makatarungang katapat mula sa taumbayan.
Sa mga bansang Indonesia at Nepal, napuno na ang salop sa korapsyon at iba pa kaya nagkaroon ng pagkalos na isinasagawa mismo ng mga mamamayan laban sa mga awtoridad.
Naunang nag-alsa ang mga Indonesian nang bigyan ng mga mambabatas ang kanilang sarili ng regalo gaya ng malalaking halaga at 10 beses kaysa karaniwang sahod ng mga obrero para sa kanilang buwanang allowance at iba pa.
Ang mga Nepalese, nag-aalsa rin sa matindi ring korapsyon, pagbabawal sa mga kabataan na gumamit ng social media at paghawak ng mga magkakamag-anak sa gobyerno.
Halos parehong may mga pagpatay gaya 10 biktima sa Indonesia at 22 sa Nepal, kasama ang asawa ng Prime Minister na hindi nakalabas ng kanilang bahay ng sinunog.
Pareho ring sinunog ng mga raliyista ang kanilang Parlyamento, sasakyan ng mga pulis na namamaril sa mga raliyista.
Kinansela ni Indonesia President Prabowo ang benepisyo ng mga mambabatas habang nag-resign naman si Nepal Prime Minister KP Sharma Oli.
Ngayon naman, lumiliyab ang korapsyon sa gobyernong Pinas.
Dapat huwag hintayin ng mga korap ang pagkalos sa kanila ng mga mamamayan na galit na sa korapsyon.






