BANSOT o purdoy ang ekonomiya ng Pinas mula 2025 hanggang 2027-2028.
Ito ang sinasabi ng Asian Development Bank (ADB), World Bank (WB) at Organization for Economic Cooperation Development (OECD).
Para sa gobyernong Marcos, lalago umano ang pambansang ekonomiya sa 5.5-6.5% ngayong taon at 6-7% sa 2026 hanggang 2028 batay sa P30 trilyong Gross Domestic Product o kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyo sa loob ng bansa.
Pero, para sa OECD, sa halip na lalago ang ating ekonomiya sa 5.5-6.5% sa taong ito, naging 4.7% lamang.
At sa 2026, sa halip na 6%, hanggang sa 5.1% lamang at sa 2027-2028, sa halip na 6-7%, hanggang 5.8% lamang.
Ayon naman sa WB, lalago lang ang ekonomiya sa 5.1% para sa 2025, 5.3% sa 2026 at 5.4% sa 2027.
Sinabi naman ng ADB na hanggang 5% lamang ang paglago ngayong 2025 habang hanggang 5.3% lang sa 2026.
Alalahaning itong mga porsyento ay sinusukat sa bilyon-bilyong piso at ang masama, nagdayb sa pinakamababang antas umano ang ating ekonomiya mula sa nakaraang 10 taon.
Kinumpara ng ng OECD ang paglago ng Pinas sa ibang mga bansa sa Asya gaya ng Vietnam (8.2%), Malaysia (5%) at Indonesia (5%).
Ang konswelo lang, pang-4 umano ang Pinas sa may pinakamabilis na paglago kumpara sa Vietnam, Malaysia at Indonesia?
KORAPSYON, KALAMIDAD
Ang matinding korapsyon ang mga pangunahing idinadahilan ng OECD, ADB at WB na pagbansot ng ekonomiya.
Kinambalan pa ito ng mga kalamidad, pangunahin ang mga bagyo at baha na may nasingit na malalakas na mapanirang lindol sa Mindanao at Cebu.
Kaugnay ng korapsyon, nagkaroon ng kawalan ng kumpyansa, lalo na ang mga dayuhang mangangalakal, na maglagak ng negosyo sa bansa.
Naging pangkalahatang paniniwala ng mga dayuhan na ninanakaw lang ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang mga ipinauutang para sana sa mga pangkaunlarang proyekto na makalilikha ng kita sa gobyerno at empleyo sa mga manggagawang Pinoy.
Kaya kakaunti lang ang nangangahas na magpautang at magtayo ng mga pabrika at iba pang mga malakihang negosyo.
At hindi ka makapaniwala, nawawalan ng gana maging ang mga turista na mamasyal din sa Pinas.
Dahil na rin sa mga matitinding pagnanakaw at kikbakan sa mga proyekto, naisipan na tuloy ang paghinto ng maramihan at malakihang imprastraktura na kailangan ng malalaking negosyo mula kalsada at tulay hanggang sa mga pier at paliparan.
Naririyan din ang pagbaklas ng 107 bilyon mula sa mahigit P300B insurance ng Philippine Deposit Insurance Corporation na nakasasama sa pagbabangko mga negosyante at mamamayan at P120B PhilHealth para lang ilagay sa mga proyektong may kikbakan at, higit na malala, ghost projects at doble tripleng pagpondo sa tapos o ghost projects.
TUNAY NA PAGBABAGO
Kung hindi magkaroon ng tunay na pagbabago, lalo na sa korapsyon, maaaring hindi rin magbago ang mga pagtingin ng mga dayuhan, kasama ang OECD, ADB at WB, na mananatiling bansot at mahirap ang ekonomiya ng bansa.
‘Yun bang === nangangahulugan ng paghihirap ng higit na nakararaming Pinoy.
Ngunit paano magkaroon ng tunay na pagbabago kung ang mga korap ay mananatili sa pwesto hanggang 2028?
Omaygad!






