KAILAN kaya matitigil ang giyerang United States at Iran na ugat ng nagkandaletse-letseng presyo ng krudo at mga produktong petrolyo na nakasasama sa ekonomiya ng mundo, kabilang na ang mahal kong Pinas?
Sinasabing mas mabangis ang giyera ngayong nagaganap kumpara sa giyerang nagmula sa pagbomba ng US, kasama ang Israel, sa Iran nitong Pebrero 28, 2026 na ikinamatay ng may 50 lider ng Iran, kasama si Supreme Leader Ayatollah Khameini.
PRESYONG LANGIS
Iniuulat na bago ang nasabing pambobomba sa Iran, naglalaro lang sa $64 kada bariles ang presyo ng krudo o langis.
Makaraan ang pambobomba at pagpatay, mabilis na umakyat ang presyo ng langis sa mahigit $80 kada bariles hanggang sa umabot ito sa $100 hanggang $120 kada bariles sa mga sumunod na linggo at buwan.
Bukod kasi sa kasiraan sa giyera na lumaganap maging sa ibang mga bansa gaya ng Kuwait, Jordan, Qatar, Bahrain, Oman at United Arab Emirates, Lebanon at Israel, isinara rin ng Iran ang Strait of Hormuz na daluyan ng 20 porsyentong suplay ng krudo at liquified natural gas ng nasabing mga bansa patungo sa Asya at iba pang bahagi ng mundo.
Dito tumigil ang suplay ng nasabing mga produkto, kasama ang fertilizer na produktong langis, kaya tumaas ang presyo ng krudo at petrolyo.
Karanasan nga natin noon na naglulundag ang presyo ng mga produktong petrolyo na diesel, gasolina, kerosene sa mga halagang P20 kada litro kaya umabot sa mahigit P120 kada litro ang mga ito at nadamay na rin ang liquified petroleum gas.
Bumaba naman ang presyo ng mga produktong petrolyo nitong nakaraang mga linggo dahil bumaba sa mahigit $75 bawat bariles ngunit muling umakyat ito at kinatatakutang aabot muli ang presyo sa $90-100 kapag magpatuloy ang digmaan.
Dalawang linggo na ngang tumaas ang presyo ng diesel sa P4 kada litro.
PRESYO NG MGA BILIHIN NAGTAASAN MULI
Bunga nga ng muling pagsasara ng Strait of Hormuz na kagagawan naman ng US, muli ngang tumaas ang presyo ng krudo at petrolyo.
Kasabay nito ang pagbagsak din ng halaga ng piso sa dolyar na naglalaro na sa P62 laban sa isang dolyar dahil pa rin sa giyera at paghina ng ekonomiya ng Pinas, kasama ang matinding korapsyon.
Sa pagsasama-sama ng mga ito, ikinakarga ng mga negosyante ang gastos nila sa langis at petrolyo, kasama ang pagkalugi nila sa humihinang piso, sa mga presyo ng kanilang mga produkto, kasama ang bigas, sardinas at iba pa.
At tayo ang labis na nahihirapan, maging ang mga nasa 4Ps, people with disabilities, brerong no work-no pay na laging binibigyan ng mga ayuda na wala sa middle class na bumubuo ng nakararaming mamamayan.
PAGKILOS NG PAMAHALAAN
Paano nga kaya kumikilos muli ang pamahalaan upang mapagaan ang kalagayan ng higit na nakararami na biktima ng lahat ng mga kamalasang ito na kagagawan ng iba, kasama ang mga korap?
Maalala natin, impeachment ba ang kasagutan, gaya ng nais palabasin ng mga korap na nangikbak nang male-maleta sa trilyones na salaping bayan?
Trilyones dahil hindi lang naman sa P1.7 flood control projects may kikbak kundi sa iba pang mga proyekto.
Nasaan ang proteksyon ng pamahalaan sa mga minamalas ngayong mamamayan?






