Home OPINION ARAW NG KALAYAAN TAUNANG SEREMONYA?

ARAW NG KALAYAAN TAUNANG SEREMONYA?

IKA-126 na Pambansang Araw ng Kalayaan kahapon ng mahal kong Pinas.

Tulad ng alam na ng lahat, maging ang mga batang nasa elementarya, hinango ang Pambansang Araw ng Kalayaan sa petsang Hunyo 12, 1898.

Ito ang araw ng pagwawagayway ni noo’y Heneral Emilio Aguinaldo ng bandila ng Pilipinas sa Kawit, Cavite na hudyat ng kalayaan ng Pilipinas mula sa mga kolonyalistang Kastila na naghari rito sa loob ng 333 taon mula noong 1560s.

Pero hindi nagsimula ang Araw ng Kalayaan noong Abril 27, 1521 na petsa ng pagpatay at pagpugot nina Lapu-Lapu kina Ferdinand Magellan o 44 araw mula nang dumaong sila sa Homonhon Island noong Marso 16, 1521.

Itinuring na nagsimula ang bilangan ng Pambansang Araw ng Kalayaan mula sa panahon ni Miguel Lopez de Legazpi na siyang nagpalaganap ng kolonyalismo na may kasamang relihiyon, ang katolisismo.

TUNAY NA ARAW NG KALAYAAN?

Makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binalewala ng mga Amerikano ang Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan.

Pinalitan ito ng mga Amerikano ng Hulyo 4 noong 1946 at isinunod nila sa Araw ng Kalayaan nila na kanilang idineklara noong Hulyo 4, 1776.

Ninais ng mga Amerikano na palabasing sila ang bayani na tagapagligtas ng Pinas mula sa mga Hapon noon kahit sumurender sila noong 1942 sa mga Hapon na ikinadamay ng mga Pinoy para mamatay sa Bataan Death March.

Bago sila sumurender, tumakas muna si Heneral Douglas MacArthur, kasama ang pamilya nito noong Marso 1942 at nang bumalik siya sa Leyte noong Oktubre 1944, dito rin nagsimula ang dikta ng mga Kano na Hulyo 4 ang Araw ng Kalayaan ng Pinas.

Pero dumating ang 1964, ibinalik ni dating Pangulong Diosdado Macapagal sa Hunyo 12 ang ating Pambansang Araw ng Kalayaan.

Nainis si Macapagal sa pag-ayaw ng mga Amerikano na magbayad ng kanilang mga sinira sa Pilipinas noong World War 2.

Naningil si Macapagal dahil ang mga Amerikano, at hindi ang mga Hapon, ang dumurog sa pamamagitan ng mga bomba mula sa mga eroplano sa Manila noon saka ibinintang sa mga Hapon.

Buti na lang at may isang Dadong Macapagal na naglakas-loob na kontrahin ang mga Kano at ibalik ang tunay na Araw ng Kalayaan sa totoong petsa ng kasaysayan ng Pinas.

MAY PROBLEMA

Ano na nga pala ang nangyari sa sambayanang Filipino mula noong Hunyo 12, 1898?

Magandang irebyu kahit konti ang nangyari.

Ibinenta ng Espanya ang Pinas sa mga Kano ng $20 milyon sa Treaty of Paris noong 1898 at mula noon, sinakop na ang Pinas ng mga Kano sa pamamagitan ng madugong kolonyalismo na walang kaibhan sa kolonyalismo ng mga Kastila.

Noong panahon ng Hapon, tinawag na tuta o puppet republic ng mga Hapon ang Pinas sa ilalim ni ex-President Jose Laurel.

Pero tinawag ding puppet republic ng mga Amerikano ang Pinas sa ilalim ng mga Pangulo pagkatapos ni Laurel hanggang kay Ferdinand Marcos Sr. na nagdeklara ng madugong Martial Law.

Kahapon nga, araw ng Pambansang Kalayaan ang Hunyo 12.

May nagbago ba sa tatsulok na lipunan na iilan sa itaas ang makapangyarihan at nakikinabang sa yaman ng Pinas habang higit na nakararami ang lublob sa kahirapan at kagutuman?

Sa ganitong kalagayan, totoo nga bang isa lang na taunang seremonya ang pag-alaala sa Araw ng Kalayaan?