MARAMI ang nagtatanong kung bakit pinalitan ng Authority to Operate Certificate ang dating sistema ng prangkisa para sa mga Transport Network Vehicle Service. May ilan pang nagdududa kung ligal ba ito.
Bilang Pangulo at Founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, malinaw ang aking sagot—oo, ligal at naaayon sa umiiral na batas ang ATOC.
Sa ilalim ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board Memorandum Circular No. 2026-049, ang mga TNVS na may umiiral na prangkisa ay awtomatikong kino-convert sa ATOC na may bisa sa loob ng limang taon.
Dahil dito, hindi na kailangang dumaan ang mga operator sa paulit-ulit at magastos na proseso ng pagre-renew ng prangkisa. Kung kailangan lamang nila ng opisyal na printed copy ng kanilang ATOC, sapat na ang pagsusumite ng Manifestation sa Legal Division ng LTFRB. Hindi kabilang sa automatic conversion ang mga may expired o kanseladong prangkisa.
Ang pagbabagong ito ay hindi lamang isang administratibong reporma. Ito ay nakabatay sa Republic Act No. 11659, na nag-amyenda sa Public Service Act.
Sa batas na ito, malinaw na ang mga sasakyang accredited at pinapatakbo sa pamamagitan ng mga TNCs (Transport Network Companies) ay hindi na kabilang sa kategorya ng PUVs (Public Utility Vehicles). Kung gayon, hindi na ang tradisyonal na prangkisa ang nararapat na maging batayan ng kanilang operasyon.
Hindi nangangahulugang wala nang regulasyon sa TNVS. Sa kabaligtaran, nananatili ang kapangyarihan ng LTFRB na pangasiwaan at tiyaking ligtas, maayos, at responsable ang kanilang operasyon bilang bahagi ng public service sector. Ang ATOC ang makabagong mekanismong pinili ng ahensya upang maisakatuparan ito alinsunod sa batas.
Karapat-dapat lamang kilalanin ang inisyatibong ito sa pamumuno ni LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II. Isa itong konkretong hakbang sa pagbabawas ng red tape, pagpapagaan ng pasanin ng mga operator, at pagpapabilis ng paghahatid ng serbisyo nang hindi isinasakripisyo ang regulasyon.
Gayunman, mahalagang maipaabot agad ang bagong polisiyang ito sa lahat ng law enforcement agencies upang maiwasan ang hindi makatarungang panghuhuli sa mga lehitimong TNVS na may ATOC. Kapag nagkaisa ang mga regulator, enforcer, at mga operator sa wastong pagpapatupad ng batas, ang tunay na makikinabang ay ang riding public—ang mga commuter na araw-araw na umaasa sa ligtas, maaasahan, at episyenteng serbisyo ng TNVS.






