Home OPINION ATRAS-ABANTE SA IMPEACHMENT

ATRAS-ABANTE SA IMPEACHMENT

92
0

NAUUSO yata ang atras-abante sa Kamara sa mga araw na ito.

Kaugnay ito ng kasong impeachment na pinal nang binubuo laban kay Vice President Sara Duterte at ng halalang presidensyal sa 2028…kung matutuloy ito.

ATRAS SA CO-AUTHORSHIP

Matapos madeklara ang probable cause o paniniwalang pupwedeng ma-convict si VP Sara sa kasong impeachment, mayroon umanong mga umatras bilang co-author ng resolution ng House Committee on Justice sa apat na Articles of Impeachment.

Itong Articles of Impeachment ang mga umano’y paglabag ni VP Sara at ito ang magiging mga laman ng lilitisin sa Senado bilang isang Impeachment Court.

Habang tinitipa natin ito, umaabot na umano sa mahigit 60 mula sa 315 kongresman ang umatras bilang mga co-author.

Mula naman sa ilang partido-pulitikal, may mga ayaw sa impeachment, may mga neutral o walang posisyon, may pro-impeachment at ‘yung iba, paiiralin ang conscience vote.

Dumarami umano ang mga umaatras habang lumalakad ang mga araw patungong Mayo 11 na inaasahang araw ng debatehan sa plenaryo ukol sa Articles of Impeachment.

Wala pa namang nagkukumpirma kung sino-sino ang mga umatras at aatras pa at baka mauwi pa sa fake news ito.

UMAABANTE ANG IBA

Habang nagtatagal, may mga nangungimbense naman umano pabor sa impeachment kaya may umaabante o pumapabor sa impeachment.

Noong nakaraang impeachment na ibinasura ng Impeachment Court at Supreme Court, umabot sa 215 ang mabilis na pumirma dahil umano sa pangakong “For Later Release” o FLR na mga pondo ngunit marami ang hindi nabigyan nito dahil inabutan na ng pagsabog ng korapsyon sa flood control project.

Ngayon naman, dahil sa pagkakasangkot umano ng maraming kongresman sa male-maletang kikbakan sa mga proyekto, may dalang pananakot umano ang mga nangungumbinse na kung hindi sila pipirma, mayayari sila sa Office of the Ombudsman o OMB.

Ngunit kasama pa rin sa pangungumbinse ang pangako na magkakaroon sila ng malaking pondo kung pipirma sila pabor sa impeachment.

Wala namang umaamin o naglalantad kung sino-sino ang mga nangungumbinse, maging ang banta kaugnay ng posibleng kaso sa OMB at pangakong malalaking pondo.

Anak ng tokwa, hindi natin tuloy malaman kung fake news ito o totoo.
KONGRESMAN INATRASAN

May lumutang namang balita sa Youtube na may isang kongresman ang inatrasan o kinalasan ng nasa 70 pastor ng isang grupong religious dahil sa pagiging pro-impeachment ng kongresman na taliwas sa anti-impeachment namang tindig ng mga Obispo.

Hindi natin alam kung fake news o totoo ang bagay na ito.

Ngunit magandang subaybayan ito dahil bahagi ito ng malaking papel ng mga religious group sa anti- at pro-impeachment.

May isang malaking grupong religious na suportado ng iba na pro-impeachment.

May malaki ring grupong anti-impeachment.

May mga religious group ding nahati sa pagiging anti- o pro-impeachment.

KUMAPIT, SUMUBAYBAY

Para sa lahat ng mamamayan, magandang subaybayan nila ang nagaganap ukol sa impeachment.

Dapat din silang kumapit sa matamang pagdinig sa mga katotohanan at kasinungalingan dito para sa huli, makapagpasya sila nang tama pagdating ng panahon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here