Home OPINION BALDE, P80/KG BIGAS

BALDE, P80/KG BIGAS

2
0

NAHAHARAP ang buong bansa sa mga krisis na napakabatayan.

‘Yun bang === krisis sa tubig at krisis sa bigas.

Kung iisipin, maigsi lang naman ang panahon ng krisis sa tubig at kahit sa bigas.

Nagsimula na ang nasabing krisis nitong Setyembre at maaaring magtagal hanggang sa Marso 2027 o hanggang matapos ang tagtuyot a mga buwan ng Abril at Mayo.

Dala lahat ito ng super El Nino na nagdadala ng sobrang init ng panahon na maaari umanong umabot sa mahigit 50 degrees Celsius.

Imadyinin na lang natin, mga Bro, na kung aabot sa 40 degrees celcius ang lagnat ng tao, maaari na siyang matipus at masiraan ng ulo o kaya’y mamatay.

Paano na lang kung mahigit 50 degrees Celsius ang aabutin ng init ng panahon sa paligid?

Dito magkandamatay-matay, hindi lang ang tao kundi maging ang mga halaman at hayop, kasama ang maliliit na ilog at sapa.

STATE OF CALAMITY

Dahil nga sa super el Nino, pagdating ng Oktubre, napakarami nang lugar ang nagdekla ng state of calamity, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

May 106 nang lungsod, bayan at lalawigan na isinailalim na sa state of calamity dahil sa tagtuyot na dala ng super El Nino.

Umaabot na umano sa mahigit 104,149 pamilya o halos 400,000 katao na ang apektado o nagsisimulang maghirap at karamihan sa mga ito ang ang nasa Cagayan Valley, Caraga, Bicol and Calabarzon.

Ayon sa Department of Agriculture, may ₱6.87 bilyon nang nasirang mga pananim gaya ng palay, mais, cassava at iba pa na nakaapekto na sa sa 223,000 magsasaka at 249,028 ektaryang sakahan o taniman.

Hindi pa kasama rito, mga Bro, ang mga mangingisda sa mga palaisdaan na nagsimula nang matuyuan ng tubig at mga mangingisda sa mga ilog at daluyan ng tubig sa pagitan ng mga burol at bundok na natutuyo na rin.

Pagdating ng Disyembre 2026 hanggang Marso 2027, tatamaan na ng super El Nino ang lahat ng 82 lalawigan ng bansa.

KASAGUTAN: BALDE-BALDENG TUBIG?

Sabi ni Pangulong Bongbong Marcos, dapat nang bumili ang mga mamamayan ng mga balde at tuturuan sila ng gobyerno kung paano gawing malinis ang masasalok na tubig mula sa mga ulan ngayon.

Ano ‘yan, dyok lang?

Pano ka makaiipon ng tubig-ulan kung aabot sa 60%-80% ang kawalan ng ulan dahil sa super El Nino?

Ang totoo, sa inter-agency na mga pagpupulong, pinag-uusapan kung paano ayusin at paganahin ang mga patubig o irigasyon sa tulong na rin ng mga de-gasolina at solar power at mga deepwell.

Dito, sana naman hindi aabutin ng siyam-siyam ang aksyon ng pamahalaan kung paano magkaroon ng tubig sa mga sakahan.

P80 KADA KILONG BIGAS

Dahil sa kasiraan sa mga palayan, dapat na ring ihanda ang ipinagmamalaki ng pamahalaan na P20 kada kilong bigas.

Sa totoo lang, napakahirap hanapin ang mga nagtitinda nito at kailangan mong gumastos sa diesel o gasolina para sa sasakyan para makatagpo ka ng isang tindahan.

Maituturing pang milagro ‘yan.

Ngunit may isa pang malaking problema gaya ng sinasabi mismo ng Bangko Sentral ng Pilipinas na maaaring aabot sa P80 ang bawat kilo ng bigas kung magkasabay ang super El Nino at mga bagyong darating sa pagsira sa produksyon ng bigas.

O paano?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here