Home OPINION BJMP, GABAY AT PAG-ASA SA PAGBABAGONG BUHAY NG PDLs

BJMP, GABAY AT PAG-ASA SA PAGBABAGONG BUHAY NG PDLs

ILANG sunod-sunod na Martes ng ala-1 hanggang alas-2 ng hapon na naging panauhin ng inyong Pakurot  sa live streaming program na Angat Pilipinas ng Media House Express ang mga warden at personnel ng Bureau of Jail Management and Penology-National Capital Region.

Nakatutuwang mabatid na ang responsibilidad na nakaatang sa balikat ng mga tauhan ng BJMP ay hindi basta-basta pagbabantay lang sa persons deprived of liberty tulad noong halos bagong tatag pa lang ang kawanihang ito.

Noon, ang BJMP ay tagabantay ng PDLs na ang tawag noon ay inmates at sila ang tumitiyak na hindi ang mga ito makatatakas mula sa kanilang pangangalaga sa kulungan at pagdadala sa mga korte na dumidinig ng kanilang mga kasong kinakaharap.

Subalit ngayon, napakaraming ginagawa o ginagampanan ng jail officers ng BJMP na nakatalaga sa iba’t ibang piitan. Hindi lang pisikal na kalusugan ang pinangangalagaan ng BJMP personnel subalit maging ang kanilang mental at spiritual health ay kanilang pinagtutuunan ng pansin.

Mula sa pagsiguro na maayos ang kalusugan ng mga inaalagaang PDL, umaga pa lang ay sinisikap na ng mga tauhan ng jail na ma-check ang kanilang pangangatawan kaya naman may mga piitan na may skedyul ng zumba at exercise bukod pa sa pinasisikatan sa araw ang mga ito.

Para sa mga walang dalaw na face to face, mayroong e-dalaw ang BJMP kung saan dito nakakausap ng PDL ang kanyang pamilya na nasa malayong lugar.

Sa iwas buryong naman, may mga aktibidad ang mga PDL tulad nang sabay-sabay na panonood ng mga pelikulang may aral at maging mga kaganapan sa labas ng piitan.

Ang isa pang paraan ng BJMP upang maging kapakipakinabang ang oras na itinitigil ng PDLs sa loob ng piitan ay ang paghanap nila ng makatutulong sa mga ito upang ma-avail ang alternative learning system kaya naman marami na sa mga nasa piitan ang nakapagtapos ng pag-aaral sa elementarya, junior at senior high school.

Bukod pa rito ang pagpapataas ng kalidad ng skills ng PDL sa pakikipagtulungan ng kanilang mga service provider lalo na ang Technical Education And Skills Development  Authority. Marami sa mga PDL ang nakikinabang na sa mga natutunan nilang mga kurso sa TESDA at ang kanilang mga kinita ay naipapadala nila sa kanilang pamilya.

Marami pang paghahandang ginagawa ang BJMP sa ilalim ng pamumuno ng chief nito na si J/Dir. Ruel S. Rivera na dalawang kamay ang ginagawang pagtulong sa kanyang mga tauhan at higit sa lahat ay sa PDLs.

Kaya nga sa paglabas mula sa piitan ng PDLs, siguradong handa na sila sa pagharap sa bagong buhay dahil armado na sila ng mga kaalaman para sa hanap-buhay na kanilang tututukan upang makatulong sa kanilang pamilya.

Saludo ang Pakurot sa BJMP sa pamumuno ni Dir. Ruel Silva Rivera. Mabuhay!

Previous articleTsina sinita ng DFA sa ‘maling representasyon” ng batas, katotohanan sa SCS
Next articleSALAMIN NG SINING