Home OPINION ‘DI MAKATWIRANG PANGHUHULI SA MGA JEEPNEY

‘DI MAKATWIRANG PANGHUHULI SA MGA JEEPNEY

SA susunod na linggo, mayroon na namang panibagong tatlong-araw na tigil-pasada ang mga jeepney drivers at operators — sa pagkakataong ito, pangungunahan ito ng transport group na Manibela.

Para sa mga hindi updated, ang mga tsuper at jeepney operators na tumatangging magpasaklaw sa Public Utility Vehicle Modernization Program ang pinupuntirya ngayon ng crackdown.

Ang mga hindi consolidated na PUVs na patuloy na namamasada sa kanilang ruta pagkatapos mapaso ang pinalawig na deadline sa pagbubuo ng mga kooperatiba at grupo ng mga prangkisa na bibili ng mga bago, moderno, at makakalikasang pamasadang sasakyan ang pinapara ngayon sa mga kalsada.

Ang nakakabaliw pa, ang operator ng mga pinarang jeepney ay pinagmumulta ng P10,000, sususpendihin ng isang taon ang driver, at ang sasakyan ay ii-impound sa loob ng 30 araw na mababawi lamang kapag nagbayad ng P50,000.

Bagamat nauunawaan ng kolum na ito na lubhang dakila ang mga makakalikasang hangarin ng gobyerno, kabaligtaran naman nito ang pagpapatupad ng PUVMP sa paraang mistulang naparurusahan ang pinakanangangailangan.

Ito ang dahilan kaya para sa akin, ang tigil-pasada ng jeepney sa susunod na linggo ay hindi lamang usaping transportasyon; tungkol din ito sa hustisya.

Problemado ang presidente ng Manibela na si Mar Valbuena nang humarap sa press briefing kamakailan, naghihimutok kung paanong nagawang traydurin ng transport authorities — ang Department of Transportation at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board — ang kanilang kasunduan sa Kongreso na walang ikakasang crackdown laban sa kanilang hanay.

“Malinaw na  sa pagdinig sa Kongreso, napagkasunduan na walang manghuhuli at wala naman talagang violation na unconsolidated ka para i-impound ‘yung ating mga sasakyan,” sinabi ni Valbuena tungkol sa napagkasunduan nila sa harap ng mga mambabatas sa huling pagdinig sa Kamara de Representantes.

Nasaan na ngayon ang mga kongresista na pinangakuan ng mga opisyal ng gobyerno na sususpendihin ang panghuhuli sa mga unconsolidated PUVs? Hindi lang naman siguro palabas lang ang ipinang akong moratorium, tama ba? Dahil sa gitna ng lahat ng ingay sa Kongreso, lumalabas na hindi alam ng

kaliwang kamay ng gobyerno kung ano ang ipinatutupad ng kanang kamay nito.

Ang malawakang panghuhuli sa mga unconsolidated na pampasadang jeepney—sa kabila ng pangakong moratorium—ay lantarang pambabalewala sa pinagkukunan ng kabuhayan ng mga tsuper. Ang pagpapataw sa  operators ng saksakan ng sobrang laking multa at pag-i-impound sa kanilang pampasada ay isang malutong na sampal sa mukha ng mga hindi maka-afford sa magastos na modernisasyon.

Aminado maging si LTFRB Board Member Mercy Jane Paras-Leynes, sa isang pahayag niya ngayong linggo, na nagtakda sila ng pulong sa susunod na linggo “[to] revisit how to relieve those who did not participate in the consolidation.”

Bahagi ng tatalakayin ang mga mungkahi mula sa iba’t ibang stakeholders na ipagpaliban ang jeepney crackdown at bigyan ng mas mahabang panahon ang consolidation kahit na paglaanan ng panibagong isang taon pa.

Kaya para saan ang malawakang panghuhuli sa mga unconsolidated jeepneys sa ngayon, kung batid naman ng mga nagpapatupad ng PUVMP na malalagay sa alanganin ang kabuhayan ng mga tsuper?

Paano kung sa halip na i-impound ang mga jeepney, tutukan na lang ng gobyerno ang pagsasaayos ng mga nabubulok nang road infrastructure at ang kakulangan ng mga opsiyon sa masasakyan, o kaya pakilusin ang mga financial institutions para mabilisang alalayan ang pagpopondo sa sobrang magastos na modernong pamasada, na sa huling pagtatanong-tanong ko ay aabot hanggang P2.8 milyon ang halaga bawat isa.

                          *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.