Home OPINION FIRING SQUAD VS MGA TIWALING OPISYAL NG GOBYERNO, PANGARAP LANG?

FIRING SQUAD VS MGA TIWALING OPISYAL NG GOBYERNO, PANGARAP LANG?

MARAMI ang nagtaas ng kilay nang ipanukala ni Zamboanga Del Norte 1st District Representative Khymer Adan Olaso ang House Bill No. 11211 na kilala bilang ”Death Penalty for Corruption Act”.

Umani nang hindi seryosong reaksyon sa netizens na karamihan ay pawang pagbibiro at pangungutya pa sa mga nakaupong mga opisyal ng pamahalaan dahil napakaimposible raw umusad man lamang kahit siguro sa komite ng Kongreso.

Karamihan sa pabirong reaksyon ng netizens sa social media ay ang pagkaubos daw ng mga opisyal ng tatlong sangay ng pamahalaan – Ehekutibo, Lehislatura, at Hudikatura, dahil hindi naman maikakaila na talamak ang korapsyon kahit sa alinmang sangay ng pamahalaan, kabilang ang pinakamaliit na unit – ang barangay.

Sabi pa ng isang kurimaw sa social media, bigla raw nakilala ang pangalan ni Olaso nang ihain ang naturang panukala, gayung batid naman daw ng kongresista na “next to impossible” itong pumasa o kahit siguro talakayin man lamang ng Kongreso.

Naikwento pa nga ng lolo ko nang nabubuhay pa na ang Pilipinas pa nga raw ang unang tumugon sa mga bansa sa Asya sa panawagan noon ng United Nation noong taong 1950 hanggang 1953 na tumulong sa South Korea na nahaharap sa pakikidigma sa pwersa ng mga komunista.

Ang Pilipinas din ang tumulong at nagpadala ng Philippine Civic Action Group o PhilCag upang tumulong sa refugees sa South Vietnam na naipit sa giyera noong taong 1955. Pero nasaan ngayon ang South Korea at Vietnam? Hindi ba’t hindi hamak na napakaunlad ng buhay at ekonomiya ng South Korea ngayon habang nauungusan na rin tayo ng Vietnam.

Talamak na katiwalian, malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan, paglobo ng political dynasty, at pagkukutsabahan ng mga nakaupo sa pamahalaan ang naging dahilan kung bakit nasadlak ang Pilipinas sa ganitong katayuan.

Hindi maikakaila na lahat ng paraan ay pilit na ginagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang maibsan ang kahirapan ng maraming Pinoy pero sabi nga ng kanyang Ate na si Sen. Imee Marcos, kulang siya sa mapagkakatiwalaang tauhan.

Dahil sa ganitong kalagayan ng bansa, nararapat nga lang na mangarap na lang tayo nang gising na maging batas ang panukalang “firing squad” sa mga mapapatunayang gumawa ng katiwalian.