Home OPINION IPINAGBAWAL NG U.S. FDA ANG PAGGAMIT NG PANGKULAY “RED 3” SA MGA...

IPINAGBAWAL NG U.S. FDA ANG PAGGAMIT NG PANGKULAY “RED 3” SA MGA PAGKAIN

ANG Food and Drug Administration (FDA) ng United States of America (USA) ay naglabas ng pagbabawal sa paggamit ng pangkulay na tinatawag na “Red 3” sa mga pagkain sa Ame­rika. Ginawa ang hakbang sa loob ng 35 na taon matapos nitong ipag­bawal ang naunang nasabing kulay sa mga kosmetiko dahil sa po­sibleng panganib ng kanser nitong Enero 15, 2025.

Kinatigan ng US FDA ang isang petisyon na isinumite noong 2022 mula sa nasa dala­wampung mga tagapagtagu­­yod ng kaligtasan ng pagkain at ka­­lusugan, na nagbigay-diin sa pangangailangang bawiin ang pa­hintulot sa substansyang nag­bibigay ng matingkad na pu­lang kulay sa ilang kendi, snack cakes, at maraschino cherries.

Sinabi ng ahensya na ang kanilang naging hakbang ay base sa mga pag-aaral na natuklasan na ang pangkulay ay nagdudulot ng kanser sa mga daga. Binanggit nila ang isang batas na kilala bilang Delaney Clause, na nag-uutos sa FDA na ipagbawal ang anomang additive na natukoy na nagdudulot ng kanser sa tao o hayop.

Ang pangkulay ay kilala bi­lang erythrosine, FD&C Red No. 3, o Red 3. Ang pagbabawal na ito ay nag-aalis sa pangkulay mu­la sa listahan ng mga aprubadong color additive sa mga pag­kain,
dietary supplements, at mga gamot na iniinom, tulad ng mga syrup ng ubo.

Matatandaan na higit sa tatlong dekada na ang nakaraan, tinanggihan ng US FDA ang pahintulot ng paggamit ng Red 3 sa mga kosmetiko at mga gamot na ipinapahid sa katawan dahil sa isang pag-aaral na nagpapakita na nagdudulot ito ng kanser kapag kinain ng mga daga.

Magkakaroon ng hanggang January 2027 ang mga tagagawa ng pagkain upang alisin ang pangkulay mula sa kanilang mga produkto, samantalang ang mga gumagawa ng mga gamot na iniinom ay magkakaroon ng hanggang January 2028 upang gawin ang parehong hakbang. Ang ibang mga bansa ay patuloy na nagpapahintulot ng ilang gamit ng pangkulay, ngunit ang mga imported na pagkain ay ka­i­langang sumunod sa bagong patakaran ng US.

Pinuri ng mga tagapagta­guyod ng mga mamimili ang desisyon ng US FDA. Hindi tiyak sa ngayon kung maghahain ng legal na hamon ang mga tagagawa ng pagkain dahil hindi pa natutukoy kung ang pangkulay ay nagdudu­lot ng kanser kapag kinain ng mga tao kundi sa daga pa lamang napatunayan. Pero sa isang pagdinig noong December 2024, inihayag ni FDA na may posibilidad na magdulot ng panganib sa kalusugan ang Red 3.

Iginiit naman ng mga mambabatas ang Delaney Clause at sinabi na ang hakbang ay lalong mahalaga upang protekta­han ang mga bata, na kumokonsumo ng mas maraming pangkulay sa bawat yunit ng timbang kumpara sa mga matatanda.

Pagbibigay-diin nila, “Walang aesthetic na dahilan na makakapagpaliwanag sa paggamit ng isang carcinogen sa ating suplay ng pagkain.”

Ayon sa isang bagong AP-NORC poll, halos 2/3 ng mga Amerikano ang pumapabor sa pagbabawal o rebisyon ng mga processed foods upang alisin ang mga sangkap tulad ng idinagdag na asukal o pangkulay. Ang suporta ay mataas lalo na sa mga may mataas na antas ng edukasyon at kita.