Home METRO Int’l airport itatayo sa Maguindanao del Norte

Int’l airport itatayo sa Maguindanao del Norte

MAGUINDANAO- Planong magtayo ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) government ng international airport sa Maguindanao del Norte.

Sa ipinalabas na pahayag ng lokal na pamahalaan BARMM nitong Sabado, iminungkahi ang lugar na maaaring pagtayuan ng nasabing paliparan ay sa Barangay Tambo, Sultan Mastura.

Noong Agosto 3, nagsagawa ng ocular inspection sa naturang site ang mga opisyal ng BARMM mula sa Ministry of Transportation and Communications (MOTC), sa pamamagitan ng Bangsamoro Airport Authority (BAA) kasama ang kinatawan mula sa Japan International Cooperation Agency at mga matataas na opisyal ng munisipalidad ng Sultan Mastura.

Ayon kay MOTC BAA OIC-Director Atty. Hanamir Emblawa , ang nasabing proyekto ay simula pa lamang ng higit pang layunin na pakikipagtulungan mula sa BAA at MOTC at LGU Sultan Mastura at sa mga susunod pang proyekto.

Sinabi naman ni Sultan Mastura Mayor Zulficar Ali “Bong” Panda na ang international airport ay makatutulong sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya, lalo na sa Iranun Corridor.

“It’s a welcome development for us, dahil malaking tulong ‘to sa ekonomiya ng Sultan Mastura. Ang job generation ay madadagdagan at malaking impact ‘to sa kabuhayan ng tao, maraming infrastructure, businesses at establishment ang maipapatayo sa lugar,” anang alkalde.

Ang proyekto sa paliparan ay naaayon sa 12-Point Priority Agenda ng BARMM na kinabibilangan ng pagbuo ng maaasahan at matatag na transportasyong panghimpapawid at iba pang istratehikong imprastraktura upang pasiglahin ang paglago ng ekonomiya sa rehiyon. Mary Anne Sapico

Previous articlePokwang, umariba na naman kay Lee; Netizens, narindi na!
Next articleUltra Lotto 6/58 jackpot muling nasungkit!