Home METRO Karne, lamang-loob ng baboy na nakasalampak sa palengke, kinumpiska ng DA

Karne, lamang-loob ng baboy na nakasalampak sa palengke, kinumpiska ng DA

MANILA, Philippines- Kinumpiska ng Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement Team ang 359 kilo na karne at mga laman-loob ng baboy matapos mahuli sa aktong nakasampak lamang ang mga ito sa sahig ng Taytay Public Market, kahapon.

Ayon kay Dennis Solomon ng DA Inspectorate team, nakatanggap sila ng report hinggil sa mga karne ng baboy na nakasalampak lamang sa sahig ng palengke at marumi ang karton na nakasapin.

Mabilis namang tumugon ang DA kasama ang National Meat Inspection (NMIS) at bago pa man sumikat ang araw kahapon (Lunes) ay tinungo nila ang mga pamilihan.

Dito naabutan nila sa akto ang mga karne at lamang-loob ng baboy na nagkakahalaga ng ₱100,000 na nakasalampak sa sahig ng palengke.

Agad na kinumpiska ng mga tauhan ng DA ang mga karne at dinala sa bakanteng lote sa nasabing bayan para ilibing.

Dagdag pa ni Solomon na posible itong magdulot ng malaking banta sa kalusugan sa mga taong kakain ng karne dahil posibleng kontaminado na ng mga mapanganib na pathogens at mga bacteria.

Isinailalim na rin sa imbestigasyon ang mga may-ari ng stall at papanagutin sa kanilang paglabag. Mary Anne Sapico

Previous articleAutomatic income classification ng LGUs, aprub sa 3rd reading; Koko tutol
Next articlePagpapadala ng Pinoy cadets sa Chinese military academy, kinuwestiyon; ipinatitigil ng Senado