Home OPINION KOLEKSYON NG BIR TUMAAS NG MAHIGIT 12%

KOLEKSYON NG BIR TUMAAS NG MAHIGIT 12%

INIULAT ni BIR o Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui, Jr. na tumaas ng 12.21% ang koleksyon nito mula buwan ng January 2023 hanggang July 2023.
Sa loob ng pitong buwan, nasa P1.49 trillion, net of tax refund, ang kabuuang koleksyon ng ahensiya o mas malaki ng P160.40 billion pesos kumpara sa kaparehas na panahon noong taong 2022.
Nitong buwan ng July 2023, tumaas ng 38.37% ang koleksyon ng BIR o katumbas ng P272.13 billion. Mas malaki ito ng P13.22 billion o 5.09% kumpara sa koleksyon noong July 2022.
Ngayong 2023, nasa P2.64 trillion ang target collection ng BIR na mas malaki ng 12.9% o katumbas ng P303.50 billion mula sa 2022 actual collection.
Kumpiyansa naman si Commissioner Lumagui na dahil sa paghihigpit ng BIR sa paghahabol sa mga tax evader at pagbuwag sa mga gumagawa at nagbebenta ng pekeng resibo, at sa mas pinalakas na ugnayan sa multi-sectoral groups kaugnay sa pagpapalakas ng taxpayers’ service ay maaabot o maaaring mahigitan pa ang target collection ngayong taon.
Nanawagan din ang komisyuner sa mga negosyo at mga indibidwal na ideklara at bayaran nang tama ang kanilang mga kinikita dahil lubhang kailangan ng bansa ang karagdagang pondo para higit na mapagbuti ang paghahatid ng serbisyo sa publiko at mapondohan ang malalaking infrastructure program ng Marcos administration.

9 NA KUMPANYA PASOK SA LISTAHAN NG FORBES ASIA’S 100 COMPANIES TO WATCH

MAY siyam na maliit na negosyo mula sa Pilipinas ang nakapasok sa listahan ng Forbes Asia’s 100 to watch.
Mula sa 550 companies mula sa Asia Pacific region na naunang naisama sa listahan, pumili ang magazine ng isang daang negosyo na may US$50 million na taunang kita at hanggang US$ 100 million na capital.
Pinagbasehan din ang positive impact sa Asia Pacific region ng negosyo, ang kanilang track record on revenue growth o       abilidad na makakuha ng pondo, business models at kanilang kuwento ng tagumpay.
May labingtatlong bansa na nakapasok sa listahan na pinangungunahan ng Singapore na may 20 companies, kasunod ng Hong Kong na may 15, at ang mainland China at Indonesia na may labing-isa bawat isa.
Kabilang sa mga pasok mula sa Pilipinas ay ang –
– Edamama, e-commerce and retail, may US$35 million na funding;
– Kindred, biotechnology and healthcare;
– Kraver’s Canteen, food and hospitality, US$4.5 million;
– Packworks, e-commerce and retail, may US$2.2 million;
– Peddlr, enterprise technology, may US$4.9 million;
– SariSuki, agriculture, na may US$30 million funding;
– Shoppable Business, e-commerce and retail, may US$1.2 million funding;
– Sprout Solutions, enterprise technology, may US$10.7 million funding; at ang
– Tanggapp, finance
Ayon sa Forbes Asia, ang mga kompanyang pasok sa lista­han ay nagpatupad ng mga bagong teknolohiya para mapatatag ang kani-kanilang mga negosyo.